KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI
DALAWANG linggo pagkatapos ng eleksyon, marami na agad ang nakatanaw sa susunod na halalan sa 2028 partikular sa kung sino-sino ang posibleng mga kandidato sa pagkapangulo ng bansa kapalit ni PBBM.
Malala na talaga ang pagkabaliw ng mga Pilipino sa eleksyon. Hindi pa nga nahihimasmasan ang mga talunan (mga dinaya raw sila) at mga nadenggoy, ang gusto agad ay botohan na naman.
Kasama na rito ang mga lider, coordinators at mga tsuwariwap ng mga politiko. Kulang pa yata ang kanilang kinita o nadekwat sa campaign funds na ipinagkatiwala sa kanila noong panahon ng kampanyahan.
Tampok nga sila sa tsikahan ng mga marites sa apat na sulok ng barangay. Kesyo, may bagong biling cellphone si coordinator na nakulimbat niya sa mga hindi niya binigyan noong last-minute na bigayan ng ayuda o “vote buying” dahil binura niya sa listahan.
Si lider politiko naman ay nakabili ng motorsiklo at nakapagpaayos ng bahay dahil ibinulsa rin ang malaking bahagi ng campaign fund na nasa kanyang disposisyon.
Maswerte ang mga ito kung nanalo ang kanilang kandidato dahil hindi na mag-uurirat kung saan at paano ginastos ang pera. Pero kung natalo ang kanilang manok, tiyak na katakot-takot na pagpapaliwanag ang kanilang gagawin. At kung sinasama pa ay malamang na masampal pa sila at blacklisted bilang lider na hahawak ng pera sa kasunod na halalan sa gagawing pagresbak ng natalong kandidato.
Sa totoo lang, marami talaga ang kumita sa hanay ng mga ito. Kinupit ang pera ng kandidato at hindi ginastos sa talagang dapat pagkagastusan. Hanggang ngayon ay marami ang galit sa kanila. ‘Yung mga umasang mabibigyan sila ng pera bago magbotohan pero hindi nakatanggap, kahit na ang kasama niyang nagpalista ay nabigyan.
Ang palusot naman ni coordinator – kesyo, sinala raw ng campaign leader ang listahan kaya may mga nawala. Pagdating talaga sa pagkakaperahan, hindi magpapahuli ang Pinoy sa likot ng kukote.
Kaya naman ‘yung mga nanalong kandidato, ngayon pa lang ay gumagawa na ng listahan ng mga proyektong gagawin at kung magkano ang ilalaang pondo. Hindi upang tuparin ang kanyang pangako noong kampanyahan. Kung hindi upang makabawi na agad sa malaking perang ginastos noong eleksyon. Paano? Sa pamamagitan ng “kickback,” “tongpats,” o komisyon sa kabuuang halaga ng proyekto na gagastusan ng salapi ng taong-bayan.
Ganito ang resulta pagkatapos ng bawat eleksyon sa Pilipinas. Palaging talo si Juan de la Cruz. Sino ang may kasalanan? Tayo rin dahil hindi na nagbago ang mentalidad natin sa pagpili ng mga iboboto. Kung sino ang namimigay ng pera kahit na manderekwat, kung sino ang sikat at popular kesehodang wala namang alam…sila pa rin ang iboboto.
##########
Malamang sa hindi ay ibabasura ng Senado ang impeachment case ni Vice President Sara Duterte. Siyam na boto lang ang kailangan ni VP Sara upang itapon sa basurahan ang reklamong magpapatalsik sa kanya bilang pangalawang pinakamataas na opisyal ng gobyerno.
May siguradong pitong senador ang tiyak nang kokontra sa impeachment – Bong Go, Bato dela Rosa, Robin Padilla, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Camille at Mark Villar.
Dalawa na lang ang kulang. Hindi na mahirap itong sungkitin dahil marami sa mga senador ay nakinabang sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Hindi na kailangang suhulan pa bagama’t dagdag na insentibo pa rin ang ibibigay na pera sa pagdedesisyon.
Tanggapin na natin ang katotohanan na hindi pa man nagsisimula ang paglilitis laban kay VP Sara ay may kanya-kanya nang desisyon ang bawat senador na siyang aaktong huwes na maghahatol kung sisipain ba o hindi ang bise presidente.
At sa kabuuan, aminin na natin na suntok sa buwan kung magtatagumpay ang impeachment.
Dahil ang gagawing pagdedesisyon ng mga senador ay nakabatay sa konsiderasyong pulitikal at hindi base sa mga ebidensyang nakalatag kahit gaano man ang katotohanan ng mga ito upang magkaroon ng hatol na – convicted beyond reasonable doubt.
Hindi mahirap unawain ang pagkawala ng mahigit na P612 million na confidential fund at intelligence funds ni VP Sara noong secretary pa siya ng DepEd at ngayong bise presidente siya na siyang sentrong isyu sa impeachment complaint.
Batay sa mga dokumentong isinumite ng kanyang tanggapan, ang 1,322 sa 1,992 na mga pangalan na umano’y tumanggap ng pondo ay walang birth records, death records at marriage records, ayon na rin sa rebelasyon ng Philippine Statistics Authority.
Ibig sabihin, peke ang marami sa mga pangalan sa dokumento – “Mary Grace Piattos”, “Xiaome Ocho”, “Jay Kamote”, “Miggy Mango” at iba pang kakaiba o nakatatawang pangalan na halatang basta na lang isinulat.
Nitong nakaraang mga araw ay lumabas na may pangalan ding “Chel Diokno” at “Marian Rivera” sa mga nakatanggap daw ng pondo mula kay VP Sara. Iisa lang ang paliwanag dito – dinoktor ang dokumento dahil hinawsyaw o dinekwat ang pondo.
Pero lumusot man si VP Sara sa Senado, ang taong-bayan ang pinal na magpapasya sa kanya kapag itinuloy niya ang pagkandidato sa pagka-pangulo sa 2028. At ito ang nakapapangamba base sa mentalidad natin sa pagboto.
Dahil kung pagbabasehan ang resulta ng nakaraang eleksyon ng mga senador, lumalabas na solido pa rin ang suporta ng mga alipores ng pamilya Duterte kahit kabi-kabila ang eskandalo at kahihiyan ang nakakabit sa kanilang pangalan.
Tsk, tsk, tsk! God save the Philippines.
