RAPIDO ni PATRICK TULFO
PORMAL nang ibibigay bukas (May 29,2025, Huwebes) ng Bureau of Customs sa Department of Migrant Workers (DMW) ang abandonadong balikbayan boxes na nasa port nito sa Davao City.
Ayon sa BOC, ang DMW na ang opisyal na magsasagawa ng pagde-deliver ng mga kahon sa mga pamilya ng OFWs na may-ari ng abandonadong mga balikbayan box.
Sa pagkakaalam ng Rapido, may usapan na ang DMW at DDCAP (Door to Door Consolidators Association of the Philippines) na siyang magde-deliver ng mga kahon.
Dahil sa gaganaping turnover, umaasa ang Rapido na susunod na ang mga abandonadong balikbayan box na nasa Manila port ng Bureau of Customs.
Halos magtatatlong taon na nga ang nakalipas matapos na abandonahin ng cargo company na Tag Cargo ang nasa 25 containers (12 nasa Davao port, 13 ang nasa Manila port) at ngayon pa nga lang mailalabas matapos ang matagal at mahabang proseso ng donation.
May mga balita pa ngang nakarating sa amin na may ilang politiko raw ang gustong umepal sa paglalabas ng mga kahon at gustong kunin ang credit bilang sila umano ang kumilos upang mailabas ang mga kahon sa customs. Baka sila pa ang maging “cause of delay” sakaling papapel sila dahil nakaayos na ang lahat para isagawa ang turnover.
Kung gusto nila talagang pumapel sa mga OFW, marami pang abandonadong balikbayan boxes ang ngayo’y hawak namin ang mga reklamo, na kasalukuyang nasa Bureau of Customs pa. Kabilang dito ang Cargo Plus, TPE at itong ACCE.
Kung noon pa man sana ay nakagawa ng batas ang noo’y party-list ng mga OFW (na hindi na pinalad na manalo nitong nakaraang eleksyon), hindi na sana naulit pa ang pagdagsa ng inabandonang mga balikbayan box. Sa pamamagitan sana ng batas na dapat ay naisulong, naprotektahan ang kapakanan ng mga OFW na naghihirap punuin ang mga kahong ipadadala sa kanilang mga mahal sa buhay.
Mukhang napagod na rin ang mga kababayan nating OFW sa party-list na ito dahil ‘di na sila inupo pa sa pangalawang termino.
