GSIS trustees, binanatan si Veloso: ‘ilusyon lang ang paglago, P8.8-B na lugi ang iniwan’

By Line Rudy Sim

Mismong kasalukuyan at dating miyembro ng Board of Trustees ng Government Service Insurance System (GSIS) ang kumuwestiyon sa pamumuno ni GSIS President at General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso, matapos umano nitong pagtakpan ang bilyong pisong pagkalugi gamit ang “ilusyon ng paglago” ng pondo ng ahensya.

Ang pahayag ay lumabas ilang araw matapos manawagan ang ilang trustees ng kanyang “agarang at irrevocable” na pagbibitiw, bunsod ng umano’y P8.8-bilyong pagkalugi mula sa mga investisyong inilarawan nilang “mapanganib, hindi masusing sinuri, at kulelat sa kita.”

Ayon sa mga trustees, ang inilalabas na paglago ng GSIS ay nakabatay sa “maling batayan at istrukturang inflow,” at hindi sa totoong kinikita ng pondo. Malaking bahagi umano ng sinasabing pagtaas ng asset ay galing sa hindi pa natatanggap na kita mula sa taunang revaluation ng mga pag-aari at awtomatikong premium contributions ng mga miyembro—mga bagay na anila’y likas na resulta ng pagiging compulsory ang pagkakaambag, at hindi pruweba ng mahusay na pamamahala ng investment.

“Ang tunay at matatag na kita ng GSIS ay nananatiling nanggagaling sa legacy investment portfolio bago pa man ang kasalukuyang administrasyon,” giit ng mga lumagda.

Sa kabilang banda, karamihan daw sa mga bagong investment na ipinasok o inendorso ni Veloso ay “malawakang nalulugi,” at halos lahat ay kasalukuyang nasa alanganin.

Ang masaklap pa, ayon sa trustees, ay naganap ang mga pagkaluging ito dahil sa umano’y pag-iwas sa tamang pagsusuri at pag-apruba ng Board. Ipinilit daw ni Veloso ang ilang high-risk ventures nang walang sapat na review o risk assessment.

“Ang layunin ng Board review ay magsilbing mahalagang salaam – sa peligro, sa pagsusuri, at sa kolektibong paghatol,” anila. “Sa pag-iwas sa prosesong ito, naitulak ni PGM Veloso ang mga investment na ngayo’y nagdulot ng malaking pagkatalo.”

Tinawag nila itong “pagpalya sa pamamahala” at nanawagan ng malawakang imbestigasyon sa mga pumalpak na investment.

Kamakailan lang, inilantad ng ilang opisyal ng GSIS ang mga transaksyong umano’y nag-ambag sa P8.8-B pagkalugi. Kabilang dito ang dual-tranche investments sa Monde Nissin Corp., Nickel Asia Corp., Bloomberry Resorts Corp. at DigiPlus Interactive Corp., na umano’y sumadsad nang aabot sa P3.67 bilyon.

Pinuna rin ang mga kontrobersyal na puhunan sa Alternergy Holdings Corp., Figaro Coffee Group, Udenna Land Inc. at 8990 Housing Development Corp. na tinukoy nilang “mapanganib at hindi makatwiran.” Bukod pa rito, binabalaan nila ang dagdag na exposure sa private equity funds ng Neuberger Berman at NightDragon dahil nagdadala raw ito ng “seryoso at hindi katanggap-tanggap na panganib” sa ipon ng mga miyembro.

Sa kanilang pahayag, binanggit din ang Mercer CFA Institute Global Pension Index 2025 kung saan kabilang ang Pilipinas sa pinakamahina ang pension system sa buong mundo. Babala nila, kung magpapatuloy ang maling pamamahala, mas lalong mababaon sa peligro ang seguridad sa pagreretiro ng mga kawani ng gobyerno.

Nanawagan sila ng agarang transparency at pananagutan, at iginiit na tanging “mahigpit at tapat na pagsusuri sa aktuwal na performance at proseso” ang makapagliligtas sa pondo sa pangmatagalan.

“Tanging sa matapat na pagharap sa katotohanan natin tunay na mapapangalagaan ang kinabukasan ng GSIS at kapakanan ng mga miyembro nito,” wika pa nila.

Ang pahayag ay nilagdaan nina Audit Committee Chairperson Rita Riddle, kasalukuyang trustees Ma. Merceditas Gutierrez at Evelina Escudero, at dating board members Alan Luga at Jocelyn Cabreza.

20

Related posts

Leave a Comment