MAMUMULUBI ang mga public school teacher sa pagbabayad ng kanilang internet.
Ito ang pinangangambahan ni ACT party-list Rep. France Castro matapos tablahin umano ng Department of Education (DepEd) ang panawagan ng mga ito na bigyan ng internet allowance ang
mga public school teacher dahil sa online learning na ipatutupad.
Ayon kay Castro, hindi sapat ang P3,500 na chalk allowance ng mga public school teacher sa isang taon na bayad sa internet dahil hindi umano bababa sa P1,000 ang internet fee kada buwan.
“This P3,500 teaching allowance is not even enough to compensate for the teaching supplies before the COVID-19 pandemic, what more now that [there is a] need for laptops, internet connection and other teaching materials for blended learning,” ani Castro.
Sa ilalim ng bagong sistema na ipatutupad ng DepEd habang nasa gitna ng COVID-19 pandemic ang bansa, tuturuan ang mga estudyante sa online kung saan kailangan ang malakas na internet
connection.
Dahil dito, tiyak na kukunin ng mga public school teacher sa sariling bulsa ang ibabayad sa buwanang internet connection kaya mamumulubi umano ang mga ito kapag nagkataon.
Sa ngayon ay nakabinbin sa Kamara ang House Bill 7034 na inakda ng Makabayan Bloc sa Kamara para bigyan ng P1,500 na buwanang internet allowance ang lahat ng mga public school teacher
ngayong panahon ng pandemya. (BERNARD TAGUINOD)
