NAGBABALA ang isang mambabatas sa Kamara na magbubunga lang ng gutom at kaguluhan kung magpapatupad ng total lockdown sa Metro Manila at karatig lalawigan kapag walang siguradong tulong na ibibigay ang gobyerno sa mga apektadong mamamayan.
Ginawa ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang babala matapos imungkahi ng mga mababatas at miyembro ng gabinete ang total lockdown partikular sa Metro Manila dahil may community transmission na umano ng COVID-19.
“Lockdown sa sikmura ang kinakaharap ng milyun-milyon nating kababayan sa Metro Manila at iba pang rehiyon. Karamihan sa kanila ay kababaihan na nakakonsentra sa panandalian at di-regular na trabaho,” ani Brosas.
“This is forced hunger at gunpoint — amid the militaristic containment of the health crisis and the Duterte government’s lack of economic relief measures to ordinary citizens,” dagdag pa ng mambabatas.
Dahil dito, sinabi ni Brosas na kailangan munang ihanda ang economic relief para sa may 3.4 milyong pamilya sa Metro Manila bago ipatupad ang total lockdown dahil kung hindi ay magbubunga ito ng mas matinding kaguluhan at kagutuman.
May sapat na pondo aniya ang gobyerno para bigyan ng ayuda ang mamamayan tulad ng P4.5 Billion na intelligence at confidential funds ng Office of the President.
LUZON-WIDE
Kahapon ay inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawak sa community quarantine na umiiral sa Metro Manila.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, sa meeting ng Inter-Agency Task Force ay ipinalagay ni Pangulong Duterte ang buong Luzon sa quarantine.
Nauna nang sinabi ni Sec. Panelo na “total lockdown” sa MM ang inirekomenda nila ni Interior Secretary Eduardo Año para mapigil ang pagkalat ng COVID-19.
Ang katwiran ni Sec. Panelo ay usapin na ito ng national survival.
Nauna rito. hinimok ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep Joey Salceda ang Duterte Administration na magpatupad ng isang linggong total shutdown sa National Capital Region.
Katwian ni Salceda, kailangan ang total work stopage sa NCR upang mabawasan ang exposure ng publiko sa coronavirus disease 2019 at kasabay nito ay ang pagpapahinto rin sa transportasyon sa Metro Manila maliban na lamang sa mga essential services.
Ipinaliwanag ni Salceda na may butas pa rin ang ipinatutupad na community quarantine sa NCR kung tuloy ang trabaho sa ilang tanggapan at mayroon pa ring mga nasa labas na sumasakay ng public transportation dahil mae-expose pa rin ang mga ito sa posibleng infection na siyang maaaring makapanghawa naman sa iba na nasa home quarantine. BERNARD TAGUINOD, CHRISTIAN DALE, ABBY MENDOZA
158 