SUKDULANG pamumulitika kaugnay ng masidhing hangaring manatili sa poder ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nakikitang dahilan sa posibleng patuloy na paglobo ng mga kaso ng nakahahawang coronavirus disease sa bansa.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni party-list Rep. France Castro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang pinakahuling pagtatayang isinapubliko ng OCTA Research Group hinggil sa inaasahang panibagong pagsirit ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa sa pagpasok ng buwan ng Setyembre.
Bukod dito ang pagtataya ng iba pang eksperto na maaaring umabot sa higit tatlo hanggang apat na milyon umano ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa sa pagtatapos ng taon.
Base ito sa pagtataya ni Professor Jomar Rabajante ng UP pandemic response team kung pagbabatayan ang cumulative cases o kung magpapatuloy ang pagtala sa matataas na kaso ng COVID-19.
Nauna nang inihayag ni OCTA fellow Prof. Guido David, bagamat hindi aabot sa 30,000 COVID-19 cases kada araw ang maitatala ng Department of Health (DOH) pagtuntong ng Setyembre, asahan naman umano ang paglaro ng bilang mula 20,000 hanggang 25,000 kada araw simula sa susunod na buwan.
“Yung bilang ng kaso, maaaring humigit siya sa 20,000 cases per day lalo na greater than one pa yung reproduction number sa buong bansa,” ani David.
“Pero hindi pa naman natin nakikita na tataas siya na malayo sa 20,000. Maaaring humigit siya doon pero kung hanggang 30,000, wala pa naman yan sa nakikita natin ngayon,” dagdag pa ng eksperto.
“Kung magkakaroon ng downward trend sa Metro Manila, mag-peak na rin ang bilang ng kaso natin sa below 25,000,” pahabol pa ni David.
Lubos naman ang pagkabahala ni Castro bunsod ng mga pagtataya ni David, kasabay ng patutsada sa aniya’y busy sked ng Pangulo na una nang inamin ang muling pagsabak sa halalan bilang kandidato sa pagka-bise presidente ng bansa.
Panawagan ng kongresista kay Duterte, isantabi muna ang pulitika at bira sa mga kontra sa kanya nang sa gayon ay maituon nito ang kanyang atensyon sa pagtugon sa krisis na dulot ng pandemya.
Aniya, ang pagtakbo bilang VP at paghimok sa anak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumakbo bilang pangulo, ay makapaghihintay – pero ang pagtugon sa mga tinamaan ng mga karamdaman ay hindi.
“Hindi na magkatuto ngayon ang administrasyong Duterte dahil sa pamumulitika at pambabatikos sa mga kalaban sa pulitika. Hindi na nila kayang itago ang inefficiency, dapat harapin ni Pangulong Duterte ang pressing problems ngayon halos 20,000 na kada araw ang naitatalang COVID cases,” pahayag ni Castro kaugnay ng ikatlong “COVID surge” sa bansa.
Unang naranasan sa bansa ang pagbulusok ng kaso noong buwan ng Hulyo ng nakaraang taon. Sinundan ito nitong Abril at muling namayagpag nito lamang nakaraang Hulyo.
Hirit pa ng kinatawan ng ACT, ang hangad na pananatili sa pwesto ni Duterte na rin umano ang gumigising sa kamalayan ng mga botanteng tila nangangayaw na sa aniya’y “estilong Duterte.”
“Sa isang banda, ang nangyayari ngayon sa pamumuno ni Pangulong Duterte ay nagbigay daan para mag-isip at maging mapanuri na rin ang mga tao kung sino ang sinsero sa sinasabi at pangako. Sa ngayon, dala na ang tao sa style Duterte at mga kakampi niya,” dagdag pa ni Castro.
Para kay Castro ay marami pang pwedeng abangan sa mga prospective candidates at hindi lang ang Duterte — “Mas tinitingnan ng tao ngayon ay yung kabaligtaran ni Pangulong Duterte.”
Kabi-kabilang patutsada ang inaani ng administrasyon hinggil sa anila’y konkretong plano nito sa pulitika habang wala naman itong konkretong hakbang para tugunan ang mahinang pandemic response at mabagal na vaccination drive.
Kaugnay nito, showbiz kung ilarawan ni Castro ang tila pagpapakipot ng batang Duterte kaugnay ng pagsabak nito sa 2022 presidential derby. Aniya, isang malinaw na gimik lamang ang kunwaring di pagtakbo sa kabila pa ng nagkalat na streamers at tarpaulin kung saan nakabalandra ang kanyang pangalan at mukha.
Bukod sa nagkalat na propaganda, aktibo na rin aniya si Sara sa pag-ikot sa iba’t ibang lalawigan at lungsod sa Visayas at Mindanao kung saan ginaganap ang mga pulong nito kasama ang political leaders mula sa local level.
Dagdag pa ng kongresista, dapat unahin ng batang Duterte ang Davao City na isa na ngayon sa mga klasipikadong COVID hotbeds sa bansa. (FERNAN ANGELES)
