MARIING kinondena ni ACT-CIS Party-list Rep. Nina Taduran ang pagpatay sa beteranong mamamahayag na si Jesus “Jess” Malabanan sa Calbayog City, Samar kasabay ng panawagan sa mga awtoridad na resolbahin ang karumal-dumal na krimen.
Bukod dito, umapela ang mambabatas sa mga nasa kapangyarihan na proteksyunan ang mga miyembro ng ikaapat na estado dahil mahalaga ang kanilang papel sa lipunan.
“I am shocked at how journalists are being silenced by bullets. Their courage stems from their desire to tell the truth. We must not allow violence to kill that flame,” ani Taduran na isang dating mamamahayag.
Magugunitang itinumba ng hindi kilalang mga suspek ang biktimang si Malabanan noong Disyembre 8, 2021 dakong alas-sais ng gabi sa loob ng kanyang tindahan sa Barangay San Joaquin, Tinambacan District habang nanonood ng telebisyon.
Sinabi ni Taduran, hindi katanggap-tanggap ang ganitong pamamaslang sa mga miyembro ng media, lalo na sa panahon aniya na ang gobyerno ay masigasig sa paghadlang sa karahasan laban sa mga mamamahayag.
Dahil dito, lalong kailangan aniya ng media ang proteksyon at seguridad upang maipagpatuloy ng mga ito ang kanilang trabaho na mahalaga sa kampanya laban sa katiwalian at iba pang problema ng bansa.
“The Presidential Task Force on Media Security under its Executive Director Joel Egco is doing its best to give protection to the media workers. But the media would need more than the help of a government agency. Media workers need a law to give them security. And that’s what the Media Workers Welfare Bill is aiming to do,” ayon sa lady solon.
Ang panukalang batas ay nasa Senado na at hinihintay na lamang ang pagpasa rito makalipas ang pagsusuri ng technical working group upang malagdaan na bilang batas ng Pangulo. (BERNARD TAGUINOD)
211
