HINDI pa kumbinsido ang Department of Health (DoH) na kailangan nang i-lockdown ang Metro Manila matapos magkakasunod na iulat ang pagkakaroon ng tig-isang COVID-19 case ng Quezon City at Marikina habang dalawa naman ang diumano’y kumpirmadong kaso sa Pasig City.
Sa Laging Handa briefing sa New Executive Building (NEB), Malakanyang ay sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na kabilang sa protocol ang pag-lockdown sa Maynila ngunit hindi pa ito napapanahon.
Tugon ito ng kalihim sa mungkahi ng isang mambabatas na i-lockdown ang Kamaynilaan bunsod ng dumaming bilang ng mga apektado ng virus sa National Capital Region (NCR).
Iminungkahi ni Albay Rep. Joey Salceda ang lockdown matapos umakyat sa sampu ang posibitibo sa nasabing sakit.
“During epidemics, everyone is a suspect , thus the need for isolation shock,” pahayag ni Salceda at nais nitong simulan ito sa suspension ng lahat pasok sa mga eskuwelahan sa Metro Mnaula.
“First, classes should be suspended nationwide to slow down and mitigate any mass transmission,” ayon pa sa mambabatas at kailangang itigil din umano ang lahat ng trabaho sa loob ng isang linggo.
Nais din ng kongresista na ipatigil ang pagbiyahe ng mga mga bus patungo at palabas ng Metro Manila, ipasara ang North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX) at ipatigil ang lahat ng domestic flights.
Pero nanindigan ang DOH na premature pa kung gagawin kaagad ito ng pamahalaan.
Ani Duque, makabubuting maghintay muna ng mga ebidensiya na mayroong community transmission at ito ang magiging dahilan para isailalim sa community lockdown o community quarantine na aniya’y isa sa mga intervention na sumasalamin sa kanilang protocol para sa kanilang four-door responsed strategy.
Mayroon din aniyang opsyon na isuspinde ang klase at trabaho, siguraduhin na mayroong ayuda pagdating sa paghahanda sa panig ng apektadong rehiyon, LGUs at uniformed personnel ng military at PNP para tulungan ang local chief executives, local health officials sa apektadong komunidad.
“These are some of the options being considered but it might be premature at this point,” ayon pa sa kalihim.
Sa kabilang banda, kailangan naman aniyang igalang ang desisyon ng local chief executive para suspendihin ang klase.
Samantala, wala namang nakikitang dahilan ang Malakanyang para magsuspinde na ng pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan sa ngayon.
Sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo, wala ring magiging pagbabago sa mga nakatakdang aktibidad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng pagdami ng kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Hinikayat naman ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), ang mga kapwa employers at manggagawa na magkaroon ng bukas na komunikasyon at kasunduan para sa alternatibong paraan ng pagtatrabaho.
Ito ay upang maiwasan o mabawasan ang panganib ng mga manggagawa na malantad sa COVID-19. CHRISTIAN DALE, BERNARD TAGUINOD
202 