PANALO ang China sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi galawin ang Philippine Offshore Gaming Corporation (POGO) dahil kailangan ang pondo para sa coronavirus disease-2019 o COVID-19.
Lalo ring lumalakas ang duda ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na ang POGO ay bersyon ng China ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Ayon kay Zarate, lalakas pa ang loob ng China na mag-espiya sa Pilipinas gamit ang POGO dahil hanggang ngayon ay hindi binibitawan ng nasabing bansa ang kanilang interes sa West Philippine Sea.
“As they are, POGOs are like China’s version of the US Visiting Forces Agreement and EDCA here in the Philippines, as far as the national security threats and anti-social activities they breed,” ani Zarate.
Lalong tumitibay ang hinalang ito ng mambabatas dahil sa ulat na 3,000 POGO workers ang labas-masok sa Pilipinas at nagsisilbing undercover umano ng People’s Liberation Army (PLA) ng China sa Pilipinas.
May duda rin ang mambabatas na mismong ang China ang nasa likod ng money laundering activities ng mga Chinese na nagpapanggap na POGO workers kaya hindi magalaw ng gobyerno.
Nangyari na aniya ito noong panahon ng US Bases sa Pilipinas kung saan naging malala ang tinatawag na anti-social activities ng mga Amerikano.
“These POGOs have also become a hub of anti-social activities like gambling, prostitution, money laundering and illegal drugs just like the US bases then,” ayon pa sa mambabatas.
‘ALIBI’
Hindi na bibilhin o kakagatin ng mamamayang Filipino ang alibi ni Pangulong Rodrigo Duterte na gagamitin sa COVID-19 ang pondong makukuha sa POGO kaya hindi niya ito ipasasara.
Ito ang pahayag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas matapos sabihin ni Duterte na nakatutulong ang POGO kaya hindi niya ipasasara.
“By saying that POGO revenues will help finance the government’s COVID-19 response, Duterte attempts in vain to launder the stinky reputation of these gambling centers marred by dirty money, prostitution and other illicit activities. Women and the people are not that dumb to buy this latest alibi,” ani Brosas.
Sinabi ng lady solon na walang naitutulong ang POGO sa mamamayan dahil hindi umano nagbabayad ng tamang buwis ang mga operator at hindi nakokolekta sa mga ito ang ipinangakong P20 Billion kita bawat taon.
Lumalabas na P8 Billion lamang umano ang nakokolekta sa ilang POGO na malayo sa P20 Billion na tinataya ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na makokolektang buwis sa mga ito.
Bukod dito, ginagamit umano ang POGO ng mga international syndicate lalo na sa droga, upang hugasan sa Pilipinas ang kanilang “dirty money” subalit mistulang hindi ito ikinababahala ng gobyerno.
ILALABAN NI PDU30
Sa isang pahayag ay binanggit ng Malakanyang na patuloy nitong ipaglalaban ang operasyon ng POGO sa bansa dahil sa malaking naitutulong nito sa pamahalaan.
Sa katunayan, ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo ay malaki ang buwis na nakukuha ng gobyerno mula rito. Taliwas ito sa akusasyon sa Kongreso na lugi ang pamahalaan sa POGO.
Ang nasabing kita ani Sec. Panelo ay maaaring gamitin ng gobyerno para labanan ang COVID-19.
Sa P22 bilyon aniya ay marami nang proyekto ang mapopondohan ng gobyerno.
Nauna nang sinabi ni Sec. Panelo na nabanggit sa kanya ni Pangulong Duterte na wala itong balak na ipatigil o suspendihin ang operasyon ng POGO sa kabila ng naging rekomendasyon ng Pagcor na ipasara ito dahil hindi nagbabayad ng wastong buwis sa pamahalaan.
Hinihintay pa rin naman kasi aniya ni Pangulong Duterte ang comprehensive report ukol sa kung saan talaga sangkot na kriminalidad ang POGO.
Inihalintulad din ni Panelo ang POGO sa isang bahay na may mga nakatirang daga na pilit sinisira.
Ang kontrobersiya aniya ng POGO ay ipinaubaya na ng Malakanyang sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno. BERNARD TAGUINOD, CHRISTIAN DALE
–
195 