NAGHAIN si Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara ng isang panukalang batas na isama sa pagtuturo ang paggalaw at isyu tuwing may pandemya, epidemya at iba pang health emergencies bilang subject sa primary at secondary school sa bansa.
Sa pahayag, sinabi ni Angara na ang karanasan ng Pilipinas sa COVID-19 pandemic partikular ang ugali ng maraming Filipino kahit may panganib sa kanilang kalusugan ay kailangang maituro.
Aniya, palaging ipinaaalala sa lahat ang pagsusuot ng face mask, pagtatakip ng ilong kapag bumabahin at umuubo at social distancing sa panahon ng pandemya pero maraming tao ang nagbabalewala sa health protocols na ito kaya naging sanhi pa ito ng pagkalat ng sakit sa bansa.
Sinabi ni Angara na isa sa mga pamamaraan para matiyak na kumilos nang maayos ang mamamayan kapag may ganitong health emergency ay ituro sa kanila ang do’s and don’ts habang bata pa sila.
“By educating our children on pandemics, epidemics and public health crises preparedness, we hope to influence behavior in order to prevent the spread of diseases and increase awareness on what to do and what to avoid whenever there is a pandemic,” ayon kay Angara.
Dahil dito, inihain ni Angara ang Senate Bill No. 1674 na inaatasan ang pagsasama ng pandemya, epidemya at iba pang public health issues bilang bahagi ng kurikulum sa lahat ng paaralan sa primarya at sekondarya, pampubliko man o pribado.
“Last March, the United Nations Children’s Fund (UNICEF) recommended a COVID-19 curriculum which included suggestions on how teachers can engage students of different ages on how to prevent and control the spread of the virus,” ayon kay Angara.
Naunang iginiit ng UNICEF, ayon kay Angara, na anomang pag-uusap o aktibidad dapat ikinokonsidera ang espisipikong pangangailangan ng mga bata, tulad ng alituntunin ng paaralan, lokal o pambansang awtoridad na base sa pinagkakatiwalaang source tulad ng UNICEF at World Health Organization (WHO).
Inaatasan ng panukala ang Department of Education na makipag-ugnayan sa Department of Health, National Disaster and Risk Reduction at iba pang kinauukulang pampubliko o pribadong institusyon sa pagbubuo ng age and level-appropriate curriculum. (ESTONG REYES)
