HERD IMMUNITY MALABONG MAKAMIT SA DEC. 2021

LAGING ipinagmamalaki ng gobyerno lalo ng Department of Health (DOH), na pagsapit ng Disyembre 2021 ay magkakaroon na ng herd immunity ang mga Pinoy.

Tila suntok sa buwan ang statement na ito dahil hanggang sa ngayon ay wala pa sa 1/4 ng kabuuang populasyon ang nababakunahan.

Sa nakuhang data, ang Philippines coronavirus (COVID-19) vaccination total dose, as of July 05, 2021, ay 11.4M doses ang naikalat na sa buong bansa.

Kung lahat ng ito ay naiturok na ay aabot lamang ng mahigit sa limang milyong katao ang nabakunahan sa buong bansa.

Kasi dalawang beses dapat mabakunahan ang bawat isa kaya kalahati lang ng 11.4M ang naturukan.

Kaya malabong magkaroon ng herd immunity ang buong bansa sa Disyembre 2021 dahil ang kabuuang populasyon natin ay nasa 100 million plus.

Para magkaroon daw tayo ng herd immunity dapat mabakunahan ang 50 hanggang 70 porsyento ng 100 million plus populasyon natin.

Tulad ngayon, ang Caloocan City ay walang schedule sa pagbabakuna sa first dose dahil kinapos na raw sila ng vaccines.

Kung mayroon man, ang isa sa pangunahing nakakaabala ay ang ­scheduling ng pagbabakuna na ipinatutupad ng Local Government Units (LGUs).

Kaya marami sa gustong magpabakuna ay umaatras na lamang dahil sa nasabing ­proseso na abala lalo na sa mga nagtatrabaho.

Isa rin sa hindi magandang proseso ay ang hindi pagtanggap ng walk-in sa gustong magpabakuna.

Paano natin masasabing ‘sana all’ ay mabakunahan kung anu-anong proseso ang gustong n’yong ipatupad?

May LGUs din na ginagamit sa pamumulitika ang pagbabakuna, sa katunayan sa form na ibinibigay nila sa mga magpapabakuna ay makikita ang mga mukha ng mga politiko.

Mayroon ding palakasan, kung malakas ka sa mayor o kay Brgy. Chairman ay agad kang mabibigyan ng bakuna na hindi na hihingan pa ng requirements.

Tulad na lamang sa Caloocan City na kailangan muna ng gustong magpabakuna ng indigency certificate mula sa barangay at ID bago ka maturukan.

Hindi rin tinatanggap na magpabakuna kung hindi ka residente sa lugar.

Kung gusto talaga natin na magkaroon ng herd immunity ang mga Pinoy ay dapat tigilan n’yo ang mga pahirap na ­proseso.

Total ang nakadalawang beses nang naturukan, hindi na uulit ‘yan na magpabakuna pa o mandaya para makarami siya ng bakuna.

Kung halimbawa wala nang A1 category, dapat tumanggap na ang iba na hindi nabibilang sa A1 category para mabilis ang bakunahan, hindi na hinihintay pa ang iba na ayaw magpabakuna.

Maraming gustong magpabakuna ang tinatamad na magpaturok dahil sa maraming proseso na pagdadaanan nila bago sila mabakunahan.

Lalo na ngayon na may naglalabasan na mga bagong variant COVID-19 tulad ng Delta variant na nagmula sa India.

Ito raw ang dahilan kaya dumami ang COVID-19 sa India.

Kaya maging double time sana ang mga nangangasiwa sa mga vaccination sa buong bansa.

Kung talagang gusto natin na makaahon na tayo sa kahirapan na dulot ng COVID-19, gawin natin ang nararapat.

Doon naman sa mga politiko, ‘wag n’yo na haluan ng pamumulitika ang vaccination program ng gobyerno.

Maawa kayo sa taumbayan na matagal nang naghihirap dahil sa COVID-19 pandemic.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cel#0919-259-59-07.

116

Related posts

Leave a Comment