INAPRUBAHAN sa isang upuan lamang ang panukalang batas na ilibre sa buwis ang mga insentibo ng kauna-unahang Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz.
Maging ang mga coach ni Diaz at iba pang atleta na mag-uuwi ng medalya at magkakaroon ng insentibo, hindi lamang sa gobyerno kundi sa pribadong sektor ay ililibre rin sa buwis.
Sa pagdinig ng House committee on appropriation, agad inaprubahan ang mga panukalang ilibre ng buwis si Hidilyn matapos hindi tutulan ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Pinag-isa ang tatlong panukala na tinawag na Hidilyn Diaz law kung saan inamyendahan ang section 4 ng Republic Act (RA) 10699 o “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act” para ilibre ang mga atleta at coach sa buwis sa mga insentibong matatanggap ng mga ito mula sa gobyerno at pribadong sektor.
Sa pinakahuling ulat ay P72 million ang cash at properties na ibibigay ng gobyerno at pribadong sektor kay Diaz matapos itong manalo ng kauna-unahang medalyang ginto sa loob ng 97 taon mula nang sumali ang Pilipinas sa Olympics.
Bagama’t tiniyak ng BIR sa nasabing pagdinig na tanging mga donor ang pagbabayarin ng donor’s tax, nais ng Kongreso na makasiguro na walang babayarang kahit isang sentimong buwis si Hidilyn bilang pasasalamat sa inuwi nitong karangalan sa bansa.
“So, I want an assurance that the BIR will consider the pledges as bequests and therefore not subject to income tax. In other words, Hidilyn and other athletes will not pay taxes under the current law,” ani Salcedaa.
“It also encourages a good culture when we incentivize supporting our athletes whether they win or not. We can’t be a society that only celebrates winners, but does not accompany our representatives when they prepare,” ayon pa sa mambabatas.
Pakikinabangan ang naturang batas maging ng mga susunod na atleta. (BERNARD TAGUINOD)
144 