UPANG makababalik sa kanilang trabaho sa barko, halos 4,000 seafarers ang nabakunahan ng Moderna and Janssen COVID-19 vaccines sa ilalim ng partnership ng MARINA o Maritime Industry Authority at ng Office ni Sen. Cynthia Villar.
Ayon kay Villar, muli silang kikita ng pera para sa kanilang pamilya bukod sa protektado na sila laban sa covid-19 at mga variant nito.
Binigyan diin ni Villar na kabilang ang Filipino seafarers sa hard-hit maritime industry ng coronavirus pandemic na nagresulta sa pagbagsak ng ekonomiya sa buong mundo.
“The impact of this global health crisis resulted to the shutdown of ship operations and our seafarers losing their income” sabi pa ni Villar na nagpahayag din na base sa Department of Transportation data, Filipino seafarers ang 25% ng 1.5 million seafarers sa buong mundo.
Subalit, dahil sa vaccination, nagkaroon ng pag-asa ang Filipino seafarers, na palaging kaakibat ang pagsasakripisyo at mahirap ng trabaho, na mabigyan ng komportableng buhay ang kanilang mga pamilya.
“We believe and hope that this vaccination will be their passport to restore their jobs,” ayon pa kay Villar.
Pinasalamatan ni MARINA Administrator retired VADM Robert Empedrad ng AFP ang senador at anak na si Las Pinas Rep. Camille Villar dahil sa pagsusulong sa kapakanan ng Filipino seafarers. (ESTONG REYES)
o0o
KARAHASAN SA KABATAAN
MULING LOLOBO SA ECQ
SA gitna ng muling pagpapatupad ng ECQ sa Metro Manila at iba pang mga lugar sa bansa, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang mga otoridad na maging alerto sa posibleng paglobo ng mga kaso ng karahasan laban sa kabataan.
Matatandaang noong nakaraang taon ay tinukoy ng grupong Save the Children ang datos ng Philippine National Police (PNP) na nagpapakitang dumami ang mga krimen laban sa kababaihan at kabataan noong magpatupad ng ECQ noong isang taon. Noong Abril 30, 2020, isang libo at dalawang-daang (1,284) kaso ang naitala ng PNP – mahigit limang daan (521) sa mga bata at higit pitong daan (763) laban sa mga kababaihan. Umakyat ito sa mahigit tatlong libo (3,600) noong Hunyo 4, 2020 – higit isang libo at pitong daang (1,745) ang mga kaso laban sa mga kabataan at halos dalawang libo (1,945) naman sa mga kababaihan.
Ayon kay Gatchalian, ang hirap sa kabuhayan na dulot ng mga lockdown ay maaaring maging bunsod ng karahasan laban sa mga kababaihan at mga kabataan. Ikinababahala rin ng senador na maraming mga biktima ang mas mahihirapang humingi ng tulong dahil sa bagong mga paghihigpit.
“Noong ipatupad ang mga lockdown noong nakaraang taon, nakita natin ang paglobo ng mga kaso ng karahasan sa mga kababaihan at kabataan. Nanganganib na maulit ito kung hindi natin paiigtingin ang ating mga hakbang upang masugpo ang mga kaso ng karahasan,” ani Gatchalian na Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Ayon sa mambabatas, dapat panatilihin ang mga helplines ng National Bureau of Investigation Violence Against Women and Children Desk pati na rin ang PNP Women and Children Protection Center. Dagdag pa ng senador, mahalaga rin ang papel ng mga barangay dahil mas malapit ang mga ito sa mga posibleng biktima.
Sa ilalim ng Protocol for Case Management of Child Victims of Abuse, Neglect, and Exploitation ng Committee for the Special Protection of Children, dapat magkaroon ang mga barangay ng help desk upang matutukan ang mga kaso ng karahasan at pang-aabuso laban sa mga kabataan at kababaihan. Mandato rin sa mga barangay na makipag-ugnayan sa mga social workers, health officials, at mga women and children protection units upang tulungan ang mga biktima. (ESTONG REYES)
