MALABONG magkaroon ng motu propio investigation ang mababang kapulungan ng Kongreso laban sa mga kongresista na nakikipagsabwatan sa mga kontraktor upang pagkakitaan ang proyekto ng gobyerno sa kanilang distrito.
“Somebody has to file a case,” ani House minority leader Joseph Estephen Paduano sa press conference ng minority bloc kahapon kaugnay ng mga alegasyong may ilang kongresista na nasa listahan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa katiwalian sa mga proyekto.
Ipinaliwanag ni Paduano na kung aasa sa House ethics committee na kusang maglunsad ng imbestigasyon ay kailangan muna aniya ang majority approval sa mga miyembro ng nasabing komite.
Hindi pa nagbibigay ng kanyang opinyon ang chairperson ng nasabing komite na si Nueva Ecija Rep. Rosanna “Ria’ Vergara sa nasabing usapin.
Ginawa ni Paduano ang pahayag matapos ipasa ni Pangulong Duterte sa Ethics committee ang usapin ng pagkakasangkot ng mga kongresista sa katiwalian.
Maging si deputy minority leader Janette Garin ay nagsabing malabong magsagawa ng imbestigasyon ang nasabing komite kaya ang tanging pag-asa na lamang aniya rito ay kung mayroon pribadong indibiduwal o grupo ang magsasampa ng kaso. (BERNARD TAGUINOD)
