HINILING ni Mustapha “Eid” Kabalu, dating tagapagsalita ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), sa Korte Suprema na ideklarang labag sa Konstitusyon ang Republic Act 12123, ang batas na muling nagpaliban sa Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) sa Oktubre 2025.
Ayon kay Kabalu, nilabag ng RA 12123 ang Konstitusyon sa apat na dahilan:
Una, walang isinagawang plebesito sa kabila ng malalim na pagbabago sa orihinal na Bangsamoro Organic Law (RA 11054);
Pangalawa, nilabag din nito ang mandato ng sabayang halalan para sa lahat ng lokal at pambansang posisyon;
Gayundin, mapaiiksi nito ang tatlong taong termino ng halal na opisyal ng Bangsamoro kung matutuloy ang halalan;
At walang kapangyarihan ang Kongreso na i-reset ang BPE nang walang basbas ng mamamayan.
Giit ni Kabalu, ang BOL ay bunga ng dekadang pakikibaka ng Bangsamoro para sa tunay na awtonomiya—hindi ito dapat baguhin nang walang pahintulot ng mamamayan sa rehiyon.
Binigyang-diin niyang ang judicial intervention ay mahalaga upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa Bangsamoro, lalo na’t sariwa pa ang sugat mula sa katatapos lamang na halalan noong 2025.
Aniya, ang maayos at sabayang halalan sa 2028 ang siyang konstitusyonal na direksyon, alinsunod sa batas at pagkakaisa ng Bangsamoro sa pambansang kaunlaran. (JULIET PACOT)
