10 PAMILYA APEKTADO NG GUMUHONG BAHAY SA MAYNILA

SAMPUNG pamilya ang apektado sa pagguho ng apat na palapag na bahay na yari sa light materials, makaraang lumambot ang lupa na kinatitirikan nito dulot ng walang tigil na buhos ng ulan bunsod ng habagat sa Paco, Manila noong Miyerkoles ng gabi.

Nabatid mula kay Director Jay Dela Fuente ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), 10 pamilya ang nakatira sa apat na palapag na gumuhong bahay na yari sa coco lumber sa panulukan ng Santiago St., at A. Linao St., Barangay 684, Paco, Manila.

Mabilis namang pinuntahan ni Director Dela Fuente, kasama ang ilang opisyal ng Local Government Unit (LGU), ang nasabing lugar upang mabigyan ng agarang tulong ang mga pamilya na nakatira sa gumuhong bahay.

Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa nasabing pangyayari.

Pansamantalang nanunuluyan ang mga pamilyang naapektuhan sa multi-purpose hall ng Barangay 684.

Ang agarang tulong at mabilis na responde ng MDSW ay batay sa direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso na “Bilis Kilos” lahat lalo na sa panahon ng sakuna at pangangailangan ng mga Manilenyo.

Tiniyak naman ni Dela Fuente na tutulungan ng lokal na pamahalaang lungsod ang mga pamilya na naapektuhan sa pagguho ng bahay. (RENE CRISOSTOMO)

123

Related posts

Leave a Comment