(BERNARD TAGUINOD)
TILA uso ngayon ang pagpapatulog ng pera ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan habang ang Palasyo’y nagkukumahog sa paghahagilap ng pondong panustos sa bakuna at ayuda.
Ayon kay House committee on public accountability chairman Rep. Bonito Singson, dapat ding isalang sa imbestigasyon ang government-owned and controlled corporations tulad ng Philippine International Trading Corporation (PITC) dahil sa hindi nito paggamit ng hindi bababa sa P11 bilyong pondo para sa iba’t ibang programa ng gobyerno – kabilang ang pagpapatayo ng isang infectious disease hospital at research laboratory.
Ayon kay Singson, simula 2017 ay nakalikom ng P11 bilyon ang nasabing GOCC bukod pa sa P1 bilyon para sa mga proyektong dapat sana’y pinakikinabangan na ngayon.
Sa 2020 Annual Audit Report (AAR) ng Commission on Audit (COA), nabigo umano ang PITC na maitayo ang “hospital for emerging and re-emerging infectious diseases” kahit ibinigay ng ng Department of Health-Research Institute for Tropical medicine (DOH-RITM) ang halagang P126 Million para sa nasabing proyekto noong 2017.
“The P126-million is part of the P11 billion that DOH and other government agencies transferred to the PITC for various procurement activities,” ayon sa mambabatas.
Gayunpaman, hindi ito naitayo ng PITC gayung malaki sana aniyang tulong ang pagamutang ito kung naitayo lamang.
Nagbigay na din umano ng P826.71 milyong advance payment ang DOH-RITM para sa design and construction ng National Reference Laboratory Building subalit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nasimulan.
Tulad ng pagamutan, malaki sana ang naitulong ng laboratoryong ito sa pagtuklas ng mga gamot sa COVID-19 kasama na ang surveillance kung naitayo lahat ito noong 2017 pa.
“The COA reports gave us a glaring yet sickening visual of how the PITC squandered an opportunity for our country to have a better fighting chance against the COVID-19 pandemic which started in 2020, or three years after the trading firm got the money to implement the projects,” dagda pa ng kongresista.
DOH gigisahin
Gigisahin din ang Department of Health (DOH) hindi lamang dahil sa P67.3 billion pondo sa COVID-19 na kuwestiyonable ang paggastos, kundi maging sa bilyun-bilyong halaga ng gamot na nabulok lamang dahil hindi naipamigay ng ahensya.
Ito ang nilalaman ng House Resolution (HR) 2129 na inakda ng Makabayan bloc sa Kamara na nag-aatas sa House committee on good government and public accountability at committee on public accounts na imbestigahan ang anila’y “grave ineffeciency, gross incompetence and criminal negligence” ng DOH na pinamumunuan ni Secretary Francisco Duque.
Ayon sa resolusyon, mula 2015 ay umaabot sa P18.5 billion ang mga gamot na binili ng DOH kung saan P12.99 billion ang ginamit noong 2018 at karagdagang P295.77 million noong 2019.
“WHEREAS, according to 2018 AAR (annual audit report) around P30.35 million worth of drugs and medicines distributed to various CHDs, hospitals, and treatment and rehabilitation centers (TRCs) were found expired wherein P12.65 million worth of items were procured by the DOH while P17.70 million were procured by CHDs and hospitals,” ayon sa resolusyon.
Sa 2019 AAR umano ng Commission on Audit (COA), natuklasan na P2.2 billion halaga ng gamot at medical at dental supplies na binili ng DOH ang na-expire dahil hindi agad ipinamahagi.
Hindi pa umano natuto sa karanasan ang ahensya dahil dumarami pa rin ang hindi naipamimigay na gamot ang DOH tulad na lamang ng P95.15 million na nawalan ng bisa.
144 