Hindi qualified sa SC AJ LEONEN INCOMPETENT AT TAMAD – GADON

NELSON S. BADILLA

NANINIWALA si Atty. Larry Gadon na hindi “kuwalipikado” at “tamad” si Supreme Court (SC) Associate Justice (AJ) Marvic Leonen dahil sa 82 kasong hindi pa nito natapos at napagpasyahan.

Sabi ni Gadon: “82 cases ‘yun kanyang backlog. Katamaran ‘yun. Either tamad siya, o incompetent or dalawa, incompetent at saka tamad.”

Ang tinutukoy ni Gadon ay ang mga kasong nakabatay sa opisyal na rekord ng mataas na korte.

Kasama ang protestang elektoral ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos II laban kay Bise Presidente Maria Leonor Robredo.

Mula Oktubre 2019 ay hawak na ito ni Leonen.

Sa bilang na 82 kaso, si Leonen ang nangunguna sa mahistrado sa SC na hindi pa natatapos at nadedesisyunan ang nasabing pinakamalaking bilang ng mga kaso.

“Makikita mo rin pinipili lamang niya ‘yung kaso na dapat niyang desisyunan,” patuloy ni Gadon.

Aniya, ang kabagalan ni Leonen ay nangangahulugang walang makakamit na katarungan ang mamamayan mula sa nasabing mahistrado.

Idiniin ni Gadon na dinaig ni Chief Justice Diosdado Peralta si AJ Leonen kung ang pag-uusapan ay ang bilis maglabas ng mga ponente sa mga kasong hawak nila, samantalang magreretiro na si Peralta sa 2022.

Tatlo lang ang kasong hindi pa nadedesisyunan ni Peralta batay sa rekord ng Korte Suprema.

Ayon kay Gadon, ang dahilan kung bakit mabilis si Peralta ay bihasa ito sa paggawa ng mga desisyon, sapagkat naging piskal si Peralta, naging Regional Trial Court judge hanggang naging mahistrado ng Sandiganbayan.

Ang trabaho sa mga posisyong ito ay magsulat ng mga desisyon ng samu’t saring kasong kriminal, kabilang na ang tungkol sa katiwalian at korapsyon kapag mahistrado ng Sandiganbayan.

Si Leonen ay propesor ng abogasya sa University of the Philippines – College of Law mula 1989 hanggang 2010 bago inilagay ni Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III sa pinakamataas na korte ng bansa noong Nobyembre 2012.

Isinusog ni Gadon na hindi dapat magpakasaya si Leonen sa SC dahil pinag-aaralan niya nang mabuti ang paghahain ng impeachment charges laban dito.

Aniya, ang Office of the Solicitor General (OSG) naman ay itutuloy pa rin ang petisyong “quo warranto” laban kay Leonen upang igiit ang kawalan nito ng “integridad” dahil sa hindi pagsusumite ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ang integridad ay isa sa mga kuwalipikasyong itinakda at hinihingi ng Konstitusyong 1987 sa mga opisyal ng pamahalaan, kabilang ang mga nakapuwesto sa hudikatura.

Ang kawalan ng SALN sa loob ng anim na taon sa University of the Philippines ay siyang naging ‘mapagpasyang hakbang’ na nagpatalsik kay Ma. Lourdes Sereno mula sa pagiging punong mahistrado ng mataas na korte.

134

Related posts

Leave a Comment