PARA sa national task force against COVID-19, ang pag-home quarantine ng mga may mild at asymptomatic case ang dahilan ng mabilis na pagdami ng nagpopositibo sa COVID-19.
Ayon kay National Action Plan chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr., wala kasing sapat na isolation facilities ang mga local government unit kaya marami sa mga walang sintomas o mild case ay sa bahay na lamang nagku-quarantine.
Aniya, ang resulta nito ay nahahawahan din ng pasyente ang buong pamilya na posibleng kumalat pa sa buong komunidad.
Nakita rin ng task force ang mabilis na pagkalat ng COVID-19 sa mga lugar ng paggawa lalo na sa mga canteen, shuttle buses at smoking areas.
Kaya naman sinabi ni Galvez na nagpapatupad sila ngayon ng recalibration ng estratehiya para maituwid ang mga pagkakamali sa health protocols. (CHRISTIAN DALE)
