Hostage taking maaaring maging COVID superspreader CONTACT TRACING INIUTOS SA CALOOCAN

PINANGANGAMBAHAN na maging COVID-19 superspreader ang nangyaring hostage drama noong nakalipas na linggo sa lungsod ng Caloocan kaya ipinag-utos ang malawakang contact tracing sa mga usisero na nagdagsaan nang maganap ang insidente.

Kaugnay nito, inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang Caloocan City Police Office na tumulong sa ikakasang contact tracing kasunod ng nangyaring insidente ng hostage taking sa lungsod.

Bunsod ng nasabing insidente, inihayag ni P/Gen. Eleazar na magbababa rin siya ng memorandum para paalalahanan ang mga tauhan ng pulisya hinggil sa umiiral na protocol sa paghawak ng hostage taking incident at iba pang kahalintulad nito, lalo na sa crowd control.

Ayon kay P/Gen. Eleazar, “Makikipagtulungan ang local police sa Caloocan City government, partikular ang Barangay 14, para hagilapin ang mga nagsiksikan at nakiusyoso sa hostage taking na naganap noong nakalipas na Sabado.”

“Nagpababa na ako ng isang memorandum na nagpapaalala sa ating kapulisan sa mga protocol na dapat sundin on hostage taking incidents and other similar cases particularly in crowd control. Kasabay nito ang aking kautusan sa Caloocan City Police na tumulong sa contact tracing effort ng kanilang lokal na pamahalaan,” wika pa ni P/Gen. Eleazar.

Dagdag pa niya, “Likas sa tao ang pagiging ususero lalo na sa panahon ngayon na halos lahat ay gustong makibahagi sa mga ganitong pangyayari gamit ang smart phones at social media kaya nararapat lamang na maging alerto ang ating kapulisan tungkol dito lalo na’t may kinakaharap tayong pandemya.”

Nilinaw rin ng heneral na sa ilalim ng police operational procedure, tuwing may hostage taking ay kailangang tiyakin na malayo sa publiko ang insidente at pagbawalan ang mga hindi awtorisadong tao upang hindi makagawa ng mas nakapamiminsalang hakbang ang hostage taker.

Layunin din nito aniya na maiwasang humantong sa mas malalang sitwasyon ang insidente.

Ayon pa kay P/Gen Eleazar, “Ganunpaman, pinapapurihan ko ang ating mga pulis sa maayos na pagresolba ng insidenteng ito.”

Matagumpay na nasagip ng lokal na pulisya ang 15-anyos na hostage victim habang naaresto naman ang hostage taker na ngayon ay humaharap sa patung-patong na kaso. (JESSE KABEL)

118

Related posts

Leave a Comment