PATAY ang isang barangay chairman ng Barangay Sta. Anastasia sa Sto. Tomas City, Batangas matapos ratratin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa kanyang bahay dakong alas-6 ng umaga nitong Huwebes.
Kinilala ang biktimang si Brgy. Chairman Dennis Tenorio Austria, ang dating number one kagawad na pumalit sa dating barangay chairman, na naging municipal administrator ng lungsod.
Kaugnay nito, nananawagan ng hustisya ang pamilya at komunidad para kay Chairman Austria, 50-anyos, matapos pagbabarilin sa kanyang bahay.
Ayon sa Sto. Tomas Police, riding in tandem ang hinihinalang mga suspek sa krimen.
Ayon sa pahayag ng Sangguniang Kabataan ng barangay, kinilala si Austria bilang dedikadong lider at gabay ng kabataan na nag-iwan ng mahalagang ambag sa kanilang komunidad.
Kasabay ng pagluluksa, nananawagan ang barangay ng katotohanan, pananagutan, at hustisya para kay Kap Dennis.
Idineklarang dead on arrival ang biktima nang isugod sa ospital.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang motibo at pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng krimen.
(NILOU DEL CARMEN)
74 