PALIWANAG NI REP. LUISTRO SA MGA NAGING KAGANAPAN SA IMPEACHMENT TRIAL

RAPIDO ni PATRICK TULFO

PINALAGAN ng depensa ang ginawang pagbasura ng prosecution panel sa tatlo sa apat na articles of impeachment na isinampa laban kay Vice President Sara Duterte at nagdesisyon na tutukan na lang ang Article 2 o ang unexplained wealth.

Ayon sa depensa, ang hakbang na ginawa ng prosekusyon ay maikukumpara sa “mistrial” dahil hindi na sila mabibigyan ng pagkakataon upang sagutin ang mga nauna nang articles of impeachment ng prosekusyon.

Samantala, iginiit naman ng prosekusyon na sa pagsisimula pa lang ng impeachment ay hindi kinontra ng depensa ang paraan ng presentasyon ng witnesses at mga ebidensiya, kung saan ay pinauna muna nila ang prosekusyon bago naman sila.

Sa aming panayam kay Rep. Gerville Luisto, ang Lead Prosecutor at Chairman ng House Committee on Justice, sinabi nito na bagama’t hindi pwedeng magfile ng “Motion For Reconsideration” ang depensa sa usaping ito at nasa kamay na ng Senator-Judges kung kokontrahin ba nila ang desisyon ng prosekusyon sa pagbasura sa tatlong articles of impeachment, nagtataka raw ang korte at maging sila sa prosekusyon, sa pagkontra ng depensa sa pagbawi ng “subjudice rule” kung saan ay mabibigyan laya na ang mga ito upang ipresenta at ipaliwanag na sa publiko ang kanilang mga sagot at ebidensiya sa tatlong articles of impeachment na inilaglag na ng prosekusyon.

Binigyan din ng impeachment court ng sapat na panahon ang depensa upang ikonsulta sa Bise Presidente ang kanilang magiging posisyon sa mga pangyayari sa pagbabalik ng trial sa November 9.

Sa tanong naman kung biglaan ba ang naging desisyon ng prosekusyon sa pagbasura sa tatlong articles of impeachment, sinabi ni Rep. Luistro na sa simula pa lang ay pinag-uusapan na ng prosekusyon kung ipupursige ba nila na talakayin ang apat na articles of impeachment sa Senado o sundan ang mga naging kaganapan sa mga nagdaang impeachment proceedings laban kina dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada at former Chief Justice Renato Corona.

Ginamit ng mambabatas na halimbawa ang nangyari sa trial kay Chief Justice Corona kung saan ay nagdesisyon ang prosekusyon na ibasura ang lima sa walong articles of impeachment at tutukan na lang ang tatlo.

Ginamit din nila na basehan ang reaksyon ng taongbayan sa presentasyon ng mga ebidensiya sa Article 2 at ang testimonya ng kanilang witness na si Atty. Cabrera na isang forensic expert, para sa desisyon na isa na lang ang complaint na tututukan.

79

Related posts

Leave a Comment