SIMULA nitong Huwebes, pansamantalang sinuspinde ang klase sa ilang paaralan sa Mindoro at pinaalalahanan ang mga residenteng malapit sa iniulat na encounter site sa pagitan ng Philippine Army at Communist Terrorist Group sa Bulalacao, Oriental Mindoro na sinasabing ikinasawi ng tatlong sundalo.
Dahil sa madugong sagupaan sa pagitan ng Philippine Army at New People’s Army, ipinag-utos ng municipal government ng Bulalacao na suspendihin ang face-to-face classes sa pitong paaralan.
Sa Memorandum Order No. 10-289, series of 2026, dated Oct. 14, iniutos ni Mayor Lumelito M. Cabagay ang suspensyon ng in-person classes at implementasyon ng modular distance learning (MDL) hanggang walang inilalabas na abiso, para maprotektahan ang mga mag-aaral, mga guro, at school personnel, ayon local government.
Nabatid na isang armadong sagupaan ang naganap sa Sitio Bagao, Barangay San Roque, Bulalacao, Oriental Mindoro, ayon sa isang public advisory na inilabas ng 203rd Infantry “Bantay Kapayapaan” Brigade noong Oktubre 14, 2026.
Ayon sa pahayag ng militar, sangkot sa engkwentro ang mga tropa ng 1st Infantry “Always First” Battalion ng 2nd Infantry Division, Philippine Army, na nasa operational control ng 203rd Infantry Brigade, at mga miyembro ng New People’s Army (NPA).
Kasunod ng insidente, pinaalalahanan ng militar ang mga residente na manatiling mapagmatyag at agad iulat sa pinakamalapit na yunit ng Philippine Army o law enforcement authorities, ang anomang kahina-hinalang aktibidad na maaaring magdulot ng panganib sa publiko.
Pinayuhan din ang publiko na iwasang pumasok sa mga apektadong lugar hangga’t hindi idineklarang ligtas ng mga awtoridad.
Hanggang nitong Huwebes, wala pang nakasaad sa inilabas na advisory na detalye tungkol sa bilang ng mga nasawi o nasugatan, mga nakuhang armas, o kabuuang resulta ng operasyon.
Bagamat may mga unconfirmed report na may tatlong sundalo ang nasawi at tatlong iba pa ang sugatan, hindi ito kinumpirma ng military bukod sa pahayag na ongoing ang nagaganap na military operation hanggang nitong Huwebes.
(JESSE RUIZ)
82 