HUWAG PRESS RELEASE ANG PAGLABAN SA COVID-19

BAGAMAT malaking bilang na rin ang guma galing sa mga kababayan nating tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), wasto lamang na magkaroon ng malinaw na plano at aksyon ang pambansa at mga pamahalaang lokal sa paglaban sa nasabing pandemya.

Kung nakapag-isip na ang mga heneral at politikong naging ‘eksperto’ sa COVID-19 ng pinaniniwalaan ng mga ito na maganda at epektibong plano laban sa COVID-19, ang susunod na hakbang ay iparating ito sa Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga pamahalaang lokal.

Syempre, iparating at ipaliwanag ito sa publiko, sa pamamagitan ng media.

Ngunit, hindi dapat matigil sa press release sa media ang paliwanag sa plano at aksyon.

Syempre, tiyakin naman ng mga heneral at politikong nakapaloob sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na maipapatupad ng DOH, DILG at mga alkalde sa lahat ng panig ng bansa na seryoso, tapat at tuluy-tuloy na ipatutupad at paiiralin ang plano laban sa COVID-19.

Hindi dapat hanggang paliwanag lang sa media.

Ididiin ko, huwag gawing press release ang mga plano at aksyon laban sa COVID-19.

Ang katotohanan kasi ay press release lang ang nangyayari.

Hindi talaga seryoso at tapat na ipinatutupad ang mga pahayag ng DILG at DOH.

Hindi rin seryoso at tapat sa mga pamahalaang lokal.

Noong pairalin ang enhanced community quarantine (ECQ) noong Marso hanggang kalahating buwan ng Mayo hanggang ilagay sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ay hindi naman tuluy-tuloy ang pag-ikot ng mga tauhan ng mga alkalde at mga punong barangay sa pagdidisiplina sa mga tao upang sundin ang Anti-COVID-19 protocols.

Kahit nga ang mga opisyal at kasapi ng Philippine National Police (PNP) ay hindi tuluy-tuloy sa ipinaatang na gawain, tungkulin at obligasyon sa mga ito para sa bansa at mamamayan laban sa COVID-19.

Lalong literal na natigil ang aksyon ng pamahalaang lokal nang maging general community quarantine (GCQ) na ang pinaiiral sa buong Luzon tulad sa San Mateo, Rizal kung saan madalas magpunta si DILG Secretary Eduardo Año.

Madalas maglabas si Año ng pahayag, o press release, tungkol sa COVID-19, ngunit hindi niya tinumbok kahit isang beses ang alkalde ng San Mateo na si Cristina Diaz upang sipagan naman ng opisyal na ito ang pagtatrabaho sa kanyang nasasakupan at dagdagan ang kanyang malasakit sa mga residente ng nasabing bayan.

Si Cristina ang pumalit sa kanyang asawang si Rafael Diaz sa pagiging alkalde ng San Mateo.

Si Rafael ang siyang bise alkalde naman ngayon ng nasabing bayan.

Pokaragat na ‘yan!

Ginoong Año, isama mo naman sa iyong press release ang mag-asawang Diaz na magmalasakit at kumilos para sa San Mateo.

Datos na ng DOH ang nagsabi at nagpatunay na tumaas pa ang kaso ng COVID-19 sa bansa kahit natapos na ang lockdown sa Luzon, partikular sa Metro Manila at Rehiyong Calabarzon

(Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Katunayan, sumuko ang 80,000 doktor, nars at iba pang uri ng health workers dahil sa sobrang dami ng mga pasyenteng dinadala sa mga pagamutan araw-araw.

Ngayong ibinalik sa MECQ ang Mega Manila (Metro Manila, Cavite, Rizal, Laguna at Bulacan) ng labinglimang araw mula Agosto 4 ay biglang kumilos ang mga pamahalaang lokal, kabilang na ang mga pamahalaang barangay.

Ngunit, hindi todo ang pagkilos nila.

Namimili lang ng oras kung kailan iikot at paalalahanan ang publiko na magsuot ng face mask at physical distancing.

Isa sa buhay na halimbawa ay ang Lungsod ng Taguig na kontrolado ng pamilya Cayetano dahil
ang alkalde rito ay si Lino Edgardo Cayetano na kapatid nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Senadora Pilar Juliana “Pia” Cayetano at bayaw ni Rep. Ma. Laarni “Lani” Cayetano.

Hayagang pagsabihan din ni Senate President Vicente Sotto III si Quezon City Mayor Maria Josefina Belmonte at kahit ang anak nitong si Vice – Mayor Gian Sotto na ayusin ng dalawa ang aksyon ng pamahalaang local upang mapagpasyang maresolbahan ang matinding suliranin ng COVID-19 sa lungsod, lalo pa’t matagal nang naninirahan ang pamilya ng senador dito.

Uulitin at ididiin ko po, huwag hanggang press release ang paglaban sa COVID-19.

158

Related posts

Leave a Comment