MISTULANG nakasandal na sa pader si dating pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi lamang ang grupo ni House Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang kakampi niya kundi maging si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Sa isang pahayag, sinabi ni Marcos, Jr. na walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas para imbestigahan ang una sa kanyang bloody drug war.
Bukod dito, binanggit din ng kasalukuyang Pangulo na “threat to our sovereignty” ang pag-iimbestiga ng ICC.
“I do not see what their jurisdiction is. I feel that we have in our police, in our judiciary, a good system. We do not need assistance from any outside entity, the Philippines is a sovereign nation and we are not colonies anymore of this former imperialist,” ayon sa Chief Executive.
“That is not something that we consider to be a legitimate judgment,” dagdag na wika nito sabay sabing “So until those questions of jurisdiction and the effects of the sovereignty of the Republic are sufficiently answered, I cannot cooperate with them.”
Bago ang pahayag na ito ni Pangulong Marcos ay naghain ng resolusyon si Macapagal Arroyo kasama ang iba pang mambabatas na naghahangad ng “unequivocal defense” kay Duterte.
Ipinagkibit-balikat lang ni Duterte ang desisyon ng International Criminal Court (ICC) na magpatuloy sa preliminary investigation sa kanyang war on drugs, ayon naman sa dati niyang tagapagsalita na si Harry Roque.
Nauna rito, binigyan ng awtorisasyon ng ICC si prosecutor Karim Khan na muling buksan ang pagsisiyasat sa mga posibleng pag-abuso sa karapatan at krimen laban sa sangkatauhan na ginawa sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Sa isang pahayag, sinabi ng dating tagapagsalita ng Palasyo na iginiit ni Duterte na hindi kailanman papayagan ang mga dayuhan na “umupo sa paghatol sa kanya hangga’t handa at kaya ng mga korte ng Pilipinas na gawin ito.”
Dagdag pa niya na ang dating punong ehekutibo ay hindi kailanman sasailalim sa hurisdiksyon ng anomang foreign body dahil ito ay isang insulto sa kakayahan at impartiality ng ating criminal justice system.
Paulit-ulit na hinimok ni Duterte ang mga umano’y biktima ng war on drugs ng kanyang administrasyon na magsampa ng kaso sa korte ng Pilipinas.
Ayon kay Roque, pag-aaksaya ng oras at resources para sa ICC ang pagpapatuloy ng imbestigasyon.
Samantala, nangako si Pangulong Marcos na ipagpapatuloy nito ang drug war subalit nakatuon sa “prevention at rehabilitation.” (CHRISTIAN DALE)
170