IREREKOMENDA ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong plunder, anti-graft, bribery at conflict of interest laban sa walong kongresistang umano’y may-ari ng construction companies na may proyekto sa DPWH.
Ang mga ito, ayon sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay sina: dating rep. Zaldy Co, Rep. Edwin Gardiola, para sa Newington Builders, Rep. James Ang Jr., Rep. Journey Jett Nisay, Rep. Augustina Pancho, Rep. Joseph Lara, Rep. Francisco Matugas at Rep. Noel Rivera.
Ayon sa Palasyo, sapat na ang ebidensyang hawak ng ICI at DPWH para umusad ang kaso.
Bahagi ito ng serye ng pag-uulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko kaugnay ng mga nadiskubreng iregularidad sa flood control projects ng gobyerno.
Tangkang Blackmail?
Sa panibagong video message ng Pangulo, ibinunyag niyang tinangka silang i-blackmail ng kampo ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Ayon kay Marcos Jr., nilapitan sila ng abogado ni Co at nagbanta: “Kapag hindi kinansela ng gobyerno ang passport ni Zaldy, hindi na raw ilalabas ang video laban sa administrasyon.”
Pero mariing sagot dito ng Pangulo: “I do not negotiate with criminals… Kahit maglabas ka ng lahat ng kasinungalingan mo, makakansela pa rin ang passport mo. Hindi ka makakatakas sa hustisya.”
P12-B Yaman Na-Freeze
Ibinunyag din ni Marcos Jr. na dalawang freeze order na ang nakuha kahapon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Aniya, umabot na sa P12 bilyon ang kabuuang halagang na-freeze kabilang ang: Air assets ni Zaldy Co: P4 billion; 3,566 bank accounts; 198 insurance policies; 247 motor vehicles; 178 real properties; 16 e-wallet accounts; at iba pang ari-ariang hawak ng kanyang kampo.
“Umpisa lang po ito,” babala ng Pangulo.
“Mas marami pang asset ang mafo-freeze para maibalik sa tao ang pera ng tao. Iyan ang aming pangako.”
(CHRISTIAN DALE)
27
