“WALANG puwang sa Republika ang anomang extra-constitutional shortcut,” pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos banatan ang umano’y planong “reset” o pagtatatag ng civil-military junta para patalsikin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at VP Sara Duterte.
“Hindi po ito parang video game na pwede nating i-restart,” diin ng pamunuan ng AFP. Tiniyak naman ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na hindi kailanman sasawsaw ang kasundaluhan sa ano mang destabilization plot.
“I would go back to that premise na wala pong restart plot within the Armed Forces of the Philippines,” ani Col. Padilla.
Mariin din niyang iginiit na mananatiling tapat ang AFP sa constitutional processes at walang ‘military junta’ sa kanilang hanay.
Lumabas ang pahayag matapos isiwalat ni dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson na sinubukan umano siyang kumbinsihin na sumali sa bubuuing “civil-military junta” na layong alisin sa puwesto ang dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa. Tahasan umano itong tinanggihan ni Lacson.
Sa AFP, malinaw na walang galaw mula sa loob ng aktibong hanay. Kung meron man, sa mga retiradong personalidad umano ito nanggagaling.
“The AFP will never subscribe to any reset plot and our Constitution has no cheat codes,” giit ni Padilla sa press briefing sa Camp Aguinaldo.
Sa panig naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG), sinabi ni Secretary Jonvic Remulla na walang basehan ang mga kumakalat na plano para sa civilian–military junta, ngunit patuloy nilang mino-monitor ang mga nasa likod nito.
“Not happening,” ani Remulla, sabay dagdag na may mga mas dapat unahin kaysa sa mga “destabilizers.”
“It is always a point of concern, but not a point of panic… Unahin na namin ‘tong mga nasa floodgate kaysa ‘tong ibang destabilizers,” ani Remulla.
(JESSE RUIZ)
29
