Ilang jeepneys, UVs punuan pa rin SOCIAL DISTANCING HINDI UMUBRA

JEEPNEY

HINDI natupad ang social distancing na pinaiiral sa mga pampublikong sasakyan dahil kahapon ay marami pa ring jeepneys at utility vehicles na punuan ang pasahero.

Sa unang araw ng pagpapatupad ng community quarantine sa Metro Manila ay maraming mga pampasaherong jeep na may biyaheng Cubao-Antipolo, Rizal at mga bus na may rutang Valenzuela-Alabang, Valenzuela-Baclaran at Monumento-Baclaran o vice versa ang hindi nilimitahan ang kanilang mga pasahero.

Base sa guidelines na inilabas ng Department of Transportation (DOTr) kaugnay sa ipinatutupad na community quarantine para labanan ang  paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, dapat ay half full capacity ang mga biyahe.

Nabatid na nakipag-ugnayan si DOTr Secretary Arthur Tugade sa mga kumpanya ng bus at jeepney transport operators sa implementasyon ng social distancing.

Nagbabala rin ang DOTr na posibleng mapatawan ng kanselasyon ng prangkisa ang mga lalabag sa guidelines.
Kabilang din sa magpapairal nito ang Railway sector na magbabawas din ng pasahero sa mga tren.

Ayon kay Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) Director for Operations Michael Capati, pipilitin nilang maipatupad ang isang metrong distansiya ng mga pasahero sa bawat isa.

Lilimitahan na ang bilang ng mga pumapasok at sumasakay sa mga platform at mga tren kung saan ay ihihiwalay rin nila ang bagon para sa senior citizens at kababaihan.

Sa bus transport ay kailangang magsakay lamang ng 25 pasahero. Ngunit sa hanay ng jeepney transport ay duda ang mga ito na kakayanin nilang  makatugon  sa nasabing guidelines.

“Maging makatotohanan tayo sa anong ito, kailangan makapagsakay ka talaga ng pasahero. Ang unang target ng isang driver ay magsakay ka ng pasahero kasi ang una mong iipunin dito ay boundary,” ayon sa grupong Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP).

Ayon kay Zeny Maranan, tagapangulo ng FEJODAP, malabong maipatupad ang half capacity policy ng DOTr sa mga public utility vehicle (PUVs).

“Susunod kami, malinaw yun. Pero hindi ako masyado maniniwala na totally magagawa yun,” ani Maranan dahil mahihirapan umano silang pigilan ang mga pasahero lalo kung rush hours.

“Ang problema namin minsan… nagmamadali yung mga tao, sasakay, hindi mo kayang pigilan yan… It’s impossible,” ani Maranan.

Aniya, kailangang may pulis na pipigil sa mga pasahero para huwag sumakay.
Kaugnay nito, nanawagan si Tugade sa sambayanan na makipagtulungan. “Kailangan nating pasanin ang bigat, indahin ang abala at sakripisyo para sa ikabubuti ng nakararami at ng ating bayan. Pansamantala lamang ang mga protocol na ito. Kung mas malalim ang ating kooperasyon at taus-puso tayong mag-aambag ng ating makakaya, mas mabilis nating malalagpasan ang pagsubok na ito,” wika ng kalihim.

CHECKPOINTS
Kaugnay nito, kaliwa’t kanan naman ang inilagay na checkpoints ng mga awtoridad sa pasukan at labasan ng Metro Manila.

Ang mga nakabantay sa checkpoint ay may thermal scanner subalit may ilan ding wala tulad ng checkpoint sa boundary ng Malabon-Bulacan.

Samantala, sa pag-iikot ng SAKSI Ngayon news team ay nabatid na tumaas na ang presyo ng mga bilihin sa ilang palengke partikular ang kalamansi na nasa P130 ang kilo, P80 naman ang kilo ng bunga ng Malunggay na dati ay P20 lang kada tali. JOEL O. AMONGO, JESSE KABEL

262

Related posts

Leave a Comment