NAKATANGGAP ng reklamo ang PUNA na biktima raw sila ng “hulidap” ng ilang pulis ng Sto. Niño Police Community Precinct (PCP) sa Meycauayan, Bulacan na naganap isang buwan na ang nakalipas.
Ayon sa sumbong, hinuli raw sila ng mga pulis – Meycauayan dahil sa motorcycle drag racing malapit sa kanilang police detachment.
Dakong alas-4 ng hapon hanggang alas-10 kinabukasan ng umaga sila ikinulong sa nasabing istasyon ng pulisya.
Sa ganyang katagal na pagkulong ng mga pulis sa kanilang mga hinuli ay mayroong silang pananagutan, kasi “arbitrary detention” ‘yan.
Wala silang isinampang kaso sa kanilang mga hinuli, ‘yun pala kinuha ang mga pera ng kanilang mga hinuli.
Tinakot pa raw ng mga pulis ang kanilang mga hinuli na kung hindi nila ibibigay ang kanilang mga pera ay kakargahan sila ng illegal drugs para hindi na sila makalabas ng kulungan.
Sa takot ng mga nahuli na tuluyan silang makulong ay napilitan silang ibigay ang kanilang mga pera.
May nagbigay raw ng P75K, P30K, P3K, P2K hanggang umabot sa kabuuang P150K.
Tinakot pa raw ang mga nahuli na kung magsusumbong sila ay may paglalagyan sila.
Kahit ilang beses ang ginagawang paalala ni PNP Chief Guillermo Lorenzo Eleazar na ‘wag gagawa ng kalokohan ang mga pulis ay may lumilihis pa rin talaga sa kanila.
Noong nakaraan lang bumisita si Gen. Eleazar sa Meycauayan kung saan wala siyang kaalam-alam na ilan sa mga pulis na kanyang binisita ay suma-sideline sa hulidap.
Mayroon bagong programa ang PNP Chief na “E-Sumbong”.
Kung hindi tayo nagkakamali, ang E-Sumbong ay maaaring magsumbong ang taumbayan sa PNP gamit ang kanilang gadgets.
May tiwala ang PUNA kay General Eleazar na maganda ang layunin niya sana maging makatotohanan ang E-Sumbong.
Katulad nito, Gen. Eleazar sir, ilang pulis ng Sto. Niño PCP – Meycauayan na hulidap ang lakad, sana masampulan n’yo sila.
General Eleazar sir, nagpakilalang “Jo” ang nanguna sa hulidap na isinumbong sa PUNA.
Sana General sir, maparusahan n’yo ang mga pulis sa Sto. Niño PCP – Meycauayan upang hindi sila mamihasa.
Tutal, general sir, sinabi n’yong marami ang aplikante sa PNP, sibakin n’yo na ang mga tiwali kasi sila ang sumisira sa inyong hanay.
Lagi na lang may lumilihis sa chain of command ng PNP.
Sobrang tigas ng ulo ng ilang pulis na kahit sabihin nating isolated case lang ‘yan, kasiraan n’yo pa rin ‘yan.
Alam naman natin na talagang may lumulusot sa inyong mga tauhan sa paggawa ng masama kahit na lagi kayong nagpapaalala sa kanila.
Hindi na nila nagagawa ang “to serve and protect” sa taumbayan.
Nawawala na sa kanila ang respeto sa sibilyan, hindi nila iniisip na ang taumbayan ang nagpapasweldo sa kanila.
Dinagdagan na sila ng suweldo ni Pangulong Rodrigo Duterte para kahit paano ay makaraos sila at makaiwas sa pangongotong.
Pero, hindi pa rin sila tumitigil sa kalokohan at ang ilan sa kanila ay nakikipagsabwatan pa sa sindikato tulad ng illegal drugs at iba pa.
Suhestiyon ng PUNA na bigatan ang parusa sa magkakasalang pulis, lalo na ang mga nasasangkot sa tanim droga at hulidap.
Perwisyo sila sa mamamayan Gen. Eleazar, sir.
oOo
Para sa reaksyon at suhestiyon. mag-email joel2amongo@yahoo.com at magtext sa cel#0919-259-59-07.
195 