NIYANIG ng magnitude 5.8 na lindol ang bayan ng Pasuquin sa Ilocos Norte pasado alas-10:38 ng nitong Martes ng umaga, Hulyo 15, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), na naramdaman hanggang Ilocos Sur.
Ayon sa Phivolcs, ang tremor ng lindol ay nasa 27 kilometro at tectonic ang pinagmulan ng pagyanig. Natunton ang epicenter nito na nasa humigit-kumulang 29 km hilagang-kanluran ng Pasuquin.
Naramdaman din ang lindol sa mga kalapit na bayan at probinsya ng Solsona at San Nicolas (Ilocos Norte), Claveria (Cagayan), Sinait at Vigan City (Ilocos Sur).
Habang naitala rin ang intensity III sa Gonzaga, Cagayan; Intensity II sa Bangued, Abra, Peñablanca, Cagayan Narvacan, at Ilocos Sur; at Intensity I sa Candon, Ilocos Sur, Ilagan, at Isabela.
Nauna rito, naitala rin ang isang magnitude 4.6 na lindol sa Ilocos Sur nitong Martes, na yumanig sa hilagang bahagi ng lalawigan bandang alas-7:22 ng umaga.
Ayon sa mga preliminary data, ito ay tectonic in origin o dahil sa paggalaw ng malalaking bato na tinatawag na tectonic plates.
May lalim itong 17 kilometro at natukoy sa karagatan ang sentro ng pagyanig.
Bagama’t itinuturing itong mahinang lindol, maaaring naramdaman ito ng mga residente sa kalapit na bayan.
Tuloy-tuloy naman ang ginagawang monitoring ng mga ahensya para matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Nagbabala rin ang Phivolcs na maaaring magkaroon ng mga aftershock sa mga susunod na oras o araw.
(JESSE RUIZ)
