Sa isyu ng Maltese citizenship GIBO PINAGBIBITIW

UMUGONG ang panawagan ng pagbibitiw ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. matapos kumalat sa social media na mayroon siyang dual citizenship matapos palutangin ang pagkakaroon niya ng Maltese passport.

Nauna rito, lumabas sa social media ang mga ulat hinggil sa pasaporte ni Teodoro na inisyu ng Malta noong 2016 at balido hanggang 2026. Bagaman iginiit ng Department of National Defense (DND) na isinuko ni Teodoro ang naturang pasaporte bago siya tumakbo sa Senado noong 2022 at bago siya hinirang bilang kalihim noong 2023, ikinagalit ng marami ang katotohanang lumabas lamang ito dahil sa imbestigasyong isinagawa ng media—at hindi sa pagdinig sa kanyang kumpirmasyon.

Tinuligsa ang Maltese citizenship bilang salungat sa pananagutan, katapatan, at mga batayang prinsipyo ng Konstitusyon.

Kabilang sa mga pumuna sa kalihim si retiradong Brigadier General Orlando E. De Leon, dating opisyal ng Armed Forces of the Philippines.

Si De Leon ay miyembro ng PMA Class of 1982 at dating Deputy Commander ng Western Mindanao Command (WesMinCom), kilalang may matatag na paninindigan sa mga usaping pambansang seguridad.

Sa Facebook ay ganito ang inihayag ng dating opisyal:

“Sec. Gibo, magbitiw ka na. Ipinakita mong hindi ka angkop sa isang napakasensitibong posisyon bilang Secretary of Defense. Kwestyonable na ang iyong katapatan at kredibilidad. Magbitiw ka na.”

Ang political analyst namang si Anna Malindog-Uy ay ganito ang post sa X (dating Twitter):

“Ang pagsuko ng pasaporte ay hindi katumbas ng pormal na pagtalikod sa citizenship. Ang citizenship ay usapin ng pananagutan at katapatan. Nasaan ang opisyal na dokumento ng pormal na pagbibitiw? Bakit hindi ito isiniwalat sa kumpirmasyon?”

Dagdag pa niya, “Ang tiwala sa mga opisyal ng gobyerno—lalo na sa larangan ng pambansang depensa—ay nakabatay hindi lamang sa legal na pagsunod, kundi sa moral na katapatan at hayag na pananagutan. Ang huling pagbubunyag na ito ay tila damage control, hindi tunay na transparency.”

Nag-share naman si Ka Eric Almendras ng opinyon ng abogadong si Atty. Levi Baligod na nagsasabing:

“Ibig sabihin, nawala na ang pagiging natural-born citizen ni SND Teodoro. Hindi na siya maaaring tumakbo muli sa Kongreso, sa pagkapangulo o pagkapangalawang pangulo, o maitalaga sa Korte Suprema o sa mga kolehiyong hukuman.”

Ibinunyag din ni Almendras sa Facebook ang kanyang pangamba sa tinaguriang “golden passport” scheme ng Malta.

“Bakit siya kumuha ng pasaporte mula sa Malta—isang bansang kilala sa pagbebenta ng citizenship sa mga sangkot sa money laundering at kriminal na aktibidad? Bakit hindi ito isiniwalat sa publiko?”

Nakasaad sa 1987 Constitution at Administrative Code na ang mga opisyal ng gobyerno, lalo na yaong nasa posisyon ng pambansang seguridad, ay dapat natural-born citizen at hindi dapat may utang na loob o katapatan sa dayuhang kapangyarihan. Ayon sa mga kritiko, nilalabag ng kaso ni Teodoro ang parehong letra at diwa ng batas.

Itinuro rin ng mga netizen ang pagiging doble-kara ng sitwasyon:

“Kung ang mga barangay captain ay maaaring madiskwalipika dahil sa dual citizenship, bakit pinapayagan ang Secretary of National Defense?” ayon sa isang komento sa Threads.

Maging si Atty. Harry Roque ay nagpost na rin sa kanyang social media account sa depensa ni Teodoro na naisurender niya na ang kanyang Maltese passport: “A passport is just a travel document that may prove citizenship. Citizenship is acquired through oath of allegiance. Surrendering a passport is not renunciation.”

Habang lumalakas ang panawagan, nakatuon ngayon ang atensyon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na patuloy na naninindigan sa likod ni Teodoro. Hinahamon ng publiko ang Pangulo na kumilos at magpakita ng tunay na pamumuno, dahil nakataya na ang kredibilidad ng kanyang administrasyon—at ng mismong integridad ng pambansang depensa.

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

62

Related posts

Leave a Comment