IMPEACHMENT PWEDENG IBASURA NG SC – EXPERT

KINONTRA ng isang constitutional law expert ang opinyon na hindi maaaring pakialaman o panghimasukan ng hudikatura partikular ng Korte Suprema ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Reaksyon ito ni Atty. Jennifer Reyes, patungkol sa petisyon na inihain kamakailan ni Atty. Israelito Torreon sa Supreme Court na humiling na ipawalambisa o ibasura ang impeachment process laban sa bise presidente.

Magugunitang nagsampa ng petisyon ang isang grupo ng mga abogado, sa pangunguna ni Atty. Israelito Torreon sa Korte Suprema para maibasura ang ‘impeachment trial’ laban kay VP Sara.

Naniniwala kasi ang kanilang panig na ‘invalid’ ang impeachment complaint at wala na umanong sapat na oras para maipagpatuloy ang impeachment proceedings sa pagtatapos ng 19th Congress.

Mariing inihayag ni Atty. Reyes, eksperto pagdating sa Saligang Batas ang kanyang paglilinaw na ang Korte Suprema ay may karapatan upang magsagawa ng sariling hakbang ukol sa proseso ng impeachment.

Aniya, ang ganitong uri ng pagdinig o paglilitis sa isang opisyal ng gobyerno, bagama’t sariling inisyatibo o ‘sui generis’ ng Senado, hindi pa rin ito ‘exempted’ sa judicial review ng naturang sangay ng pamahalaan.

Ang kanyang pahayag ay iniugnay sa naganap na pagproseso ng impeachment proceedings kung saan nabanggit ang ukol sa isang maaaring pagbasehan na kaso sa Estados Unidos.

Dahil dito, mariin pang sinabi ng naturang abogado na kung sakaling makitaan ng iregularidad o paglabag sa Saligang Batas ang pagsasagawa ng impeachment, ang Korte Suprema ay maaaring umaksyon hinggil dito.

Aniya’y posibleng iatas ng high tribunal na mapawalang-bisa at maibasura na lamang sa oras mapatunayan na hindi naaayon sa probisyon ng batas ang pagpapatuloy ng impeachment proceedings.

Iginiit din nito na hindi akma at maling sabihin na ang hudikatura ay walang karapatan hinggil sa proseso nito sa kadahilanan na ikinokonsidera ito bilang isang political process lamang.

Ngunit sa kasalukuyan, tahimik pa rin ang Korte Suprema at hindi pa naglalabas ng desisyon o resolusyon hinggil sa petisyon.

(JULIET PACOT)

12

Related posts

Leave a Comment