TITIBA ang mga importer ng modernong jeep kapag nagsimula na ang transport crisis sa bansa lalo na sa Metro Manila dahil sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na ayaw suspendihin ng gobyernong Marcos.
Ayon kay Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, pagsapit ng Enero 1 ay kukulangin na umano ang mga PUV sa lansangan kung saan sa Metro Manila ay 31,000 pampasaherong jeep ang inaasahang hindi makabibiyahe.
Katumbas ito ng 73.5% ng mga PUJ sa Metro Manila kaya asahan aniya na pahirapan ang pagsakay sa simula ng taon at upang tugunan ang problemang ito ay asahan naman na mang-aangkat ng modernong jeep ang gobyerno.
“Kukulangin tayo ng mga PUV at makikita na naman natin ang mahahabang pila ng mga komyuter na mahihirapan na namang sumakay at magiging daan na naman ito para mag-import tayo ng mga modern jeep na gawa sa ibang bansa,” ani Manuel.
Dahil dito, tanging ang importers at exporters ang makikinabang sa PUVMP at apektado aniya rito, hindi lamang ang mga tsuper at operators kundi maging ang commuters.
Ayon sa mambabatas, dobleng dagok ito sa mga estudyante at manggagawa dahil bukod sa mahihirapan na ang mga ito sa pagpasok at pag-uwi sa eskuwelahan at trabaho ay magiging dahilan aniya ng pagtaas pasahe ang PUVMP.
Tatagos ang epekto ng PUV Modernization Program hanggang sa mga komyuter kung libu-libong jeep na hindi nag-consolidate ang pagbabawalan nang pumasada by New Year,” ayon pa sa mambabatas.
Hindi ipinagtaka ng mambabatas na ganito karami ang PUV na hindi nakapag-consolidate ng kanilang prangkisa dahil aabot aniya ng P600,000 ang gagastusin ng mga ito para magtayo ng kooperatiba.
Ayon aniya sa pag-aaral ng Institute for Nationalist Studies, P300,000 ang registration fee ng kooperatiba na bubuuhin mula sa consolidation bukod sa 20,000 pesos ang additional payment kada unit na ipapasok sa kooperatiba.
“Dahil 15 units ang kailangan para sa consolidated na kooperatiba, minimum 600,000 pesos ang kailangang pag-ambagan ng mga tsuper para rito kung di nila isusuko ang kanilang prangkisa sa mga negosyo na kayang magbayad ng ganito kalaki,” paliwanag pa ng mambabatas kaya ang magiging ending aniya ng PUVMP kapag nagkataon ay mapapasakamay na ng malalaking negosyante ang operasyon ng jeepney.
(BERNARD TAGUINOD)
269