NAGBABADYANG pagmultahin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ina ni Navotas City Mayor Toby Tiangco at mga kapatid nito na may-ari ng TP Marcelo Ice Plant and Cold Storage kung saan dalawa ang namatay dahil sa nangyaring ammonia leakage.
“Kung sakaling lumabas na may paglabag sa standard natin, nag-i-impose po ang DOLE ng administrative fine for noncompliance to standard that will result to grave injury or death,” ayon kay Engineer Noel Binag, Executive Director ng Occupational Safety and Health Center ng DOLE, sa panayam.
Aniya, sakaling may nangyaring paglabag sa occupational safety and health standards ng DOLE, nagpapataw ang departamento ng “administrative fine for noncompliance to standard that results to grave injury or death”.
Bunsod nito, pinayuhan ng direktor ang iba pang ice plant na tumalima sa mga patakaran ng DOLE gaya ng pagkakaroon dapat ng mga handang hakbang kung sakaling may emergency at ng sertipikadong tagapagbigay ng paunang-lunas, occupational health facilities at mga gamot.
Napag-alamang patuloy na tatanggap ng sweldo ang mga tauhan ng planta sa kabila ng pansamantalang pagsasara nito, at maaaring humiling ng ayuda mula sa Employees’ Compensation Commission kung saan pwedeng kumuha ng benepisyo ang mga manggagawang apektado ng insidente na may kinalaman sa trabaho. (ALAIN AJERO)
212
