SA halip na magbakasyon, ginugol ng mga kawaning nakabase sa tanggapan ng Bureau of Customs (BOC) sa Tacloban City ang buwan ng Disyembre sa pagtugis sa mga negosyanteng pinaniniwalaang sangkot sa pandaraya sa pamahalaan.
Bitbit ang Letter of Authority (LOA) at Mission Order (MO) na pirmado ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, tinungo ng mga operatiba mula sa Port of Tacloban (BOC-Tacloban) ang isang gasoline station sa Barangay Cabalawan, Tacloban City.
Sa ulat na isinumite ng Enforcement Security Service (ESS) at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) kay Ruiz, umabot sa 1,900 litro ng kerosene (petrolyong karaniwang gamit sa pagluluto) ang kinumpiska matapos ang isinagawang pagsusuri sa ilalim ng Fuel Marking Program ng kawanihan.
Ayon pa sa BOC-Tacloban, wala maski katiting na bahid ng fuel marker na patunay ng pinagbayang buwis sa pamahalaan, ang nakita sa mga pagsusuri ng mga tangkeng pinaglalagyan ng mga petrolyo.
Kabilang sa mga tumayong saksi sa isinagawang pagsusuri ang mga kinatawan mula sa barangay, lokal na pamahalaan, Bureau of Internal Revenue (BIR) at ang mismong may-ari ng hindi tinukoy na establisyemento. (JOSE OPERARIO)
