11 TRIPULANTE TIMBOG SA MODUS PUSLIT-YOSI

TIMBOG sa mga alistong ope­ratiba sa karagatan ang 11 tripulanteng lulan ng isang sasakyang dagat sa katimugan kaugnay ng panibagong tangkang magpuslit ng mga imported na sigarilyo mula sa bansang Indonesia.

Ayon sa Bureau of Customs (BOC), inilipat na rin ng Philippine Navy sa kanilang kustodiya ang nasa P90-milyong halaga ng mga imported na sigarilyong lulan ng ML Haiban na nasabat ng mga bantay-dagat hindi kalayuan sa pantalan ng Indanan sa lalawigan ng Sulu.

Sa ulat na isinumite ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM) sa BOC, isang Ladimar Hajirul ang nagmamay-ari ng ML Haiban kung saan tu­mambad ang nasa 4,500 master cases at 225,000 reams ng sigarilyong diumano’y nagmula pa sa bansang Indonesia.

Nang hanapan ng mga dokumento ang mga tripulante, walang naiprisinta sa mga ope­ratiba – hudyat para sa agarang pagkumpiska sa nabistong kontrabando.

Bukod sa kontrabando, inim­bargo din ang sasakyang dagat na ginamit sa pagbiyahe ng mga kumpiskadong kontrabando. Arestado rin at nahaharap sa patong-patong na kaso ang 11 tripulante at ang nginusong may-ari ng bangkang-de-motor.

“This accomplishment demonstrates the dedication of Naval Forces Western Min­danao to end illegal activities in the maritime domain,” ayon naman sa bukod na pahayag ng NFWM.

Sa kalapit na lungsod ng Gen. Santos, hagip din ang P603,000 halaga ng mga smuggled yosi na sakay ng isang closed van. Dakip sina Junel Entirina, 26-anyos; Redden Timog-Timog Salazar, 26-anyos at Saidali Gumba Salisipan, 31 taong gulang. (CREMA LIMPIN)

85

Related posts

Leave a Comment