IPINAGMALAKI ng Bureau of Customs – Port of Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang kanilang ‘record breaking achievements’ noong 2019.
Sa data ng BOC NAIA, maituturing na ang kanilang tanggapan ang may pinakamalaking nasabat na ilegal na droga tulad ng shabu, ecstacy, cocaine at marijuana.
Maging sa mga kontrabando tulad ng kontaminadong karne, baril, bala at iba pa ay maituturing sila ang may pinakamalaking huli.
Nabatid na ang BOC-NAIA ay nakasabat ng 54.4147 kilos ng Methamphetamine hydrochloride o shabu na may katumbas na halagang P370 milyon; 4,152 piraso ng ecstasy tablets na may halagang P8.6 milyon at 1.47 kilos ng cocaine na may halagang P7.8 milyon.
Umaabot naman ng 42, 026.1 kilos na karneng kontaminado ng African Swine Fever (ASF) ang nakumpiska na walang kaukulang permit ang nasabat ng BOC-NAIA.
Nakahuli rin sila ng 10 piraso ng pistols/rifles; 97 piraso ng smuggled gun parts at 358 bala ng iba’t-ibang baril.
Bukod sa mga ilegal na droga, nakasabat din ang nasabing tanggapan ng 72,589 tablets valium/mogadon na may halagang P1.572 milyon ; 5.927 kilos ng marijuana/kush weeds na may halagang P9.397 milyon; 78 cartridge liquid marijuana na may street value na P805,000.
Nakapagligtas din ng BOC NAIA ng 2,525 live species na nanganganib nang maubos (endangered species) na nakatakda para sa exportation at importation. (JO CALIM)
155