2022 BOC anti-smuggling ops P24B KONTRABANDO SWAK SA GOBYERNO

PARA sa Bureau of Customs (BOC), patuloy na iniinda ng mga sindikato sa likod ng mga malawakang modus na puslit-kargamento ang dagok na dulot ng agresibong operasyon ng kawanihan laban sa illegal smuggling para sa taong 2022.

Batay sa datos na inilabas ng ahensya, pumalo sa tumataginting na P24.28 bilyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang kargamento sa kabi-kabilang operasyon ng intelligence at enforcement groups ng BOC mula Enero hanggang Dis­yembre ng nakalipas na taon.

Kabilang sa mga nasamsam ng ahensya sa 709 operasyong inilunsad ng kawanihan ang nasa P12-bilyong halaga ng droga, P7.7-bilyong halaga ng mga kalakal na pasok sa kategor­ya ng “counterfeit goods,” at halos P1.9 bilyong halaga ng mga produktong agrikultura.

“Illicit trade of agricultural products, all imports of agricultural commodities, except those selected under the Super Green Lane (SGL) Faci­lity, are identified as high-risk commodities,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng ahensya.

Sa 200 Letters of Authority (LOA) na inilabas ng kawanihan, 109 naman ang lumalabas na nagbunga ng positibong resulta, bukod pa sa 193 alert orders kung saan 120 ang humantong sa tagumpay na operasyon.

Sa high-risk shipments, siyam sa 10 inilabas na Warrant and Seizure and Detention (WSD) para sa targeted shipments ng Risk Management Office (RMO) para sa non-intrusive at physical inspection ang nagbigay-daan para sa pagsasampa ng kaso sa piskalya. (JO CALIM)

14

Related posts

Leave a Comment