SA pangunguna ng External Affairs Office (EAO) ng Bureau of Customs (BOC), nagkaisa ang mga delegado mula sa mga bansang Asyano na isulong ang mahigpit na implementasyon ng mga panuntunan sa ilalim ng World Trade Organization – Trade Facilitation Agreement.
Kabilang sa mga tinalakay ng mga delegado sa ginanap na 34th Meeting of the ASEAN Customs Procedures and Trade Facilitation Working Group (CPTFWG) sa bayan ng Mactan, lalawigan ng Cebu ang pagpapaunlad ng ASEA Customs Cooperation sa layuning paunlarin ang kalakalan sa mga bansang Asyano.
Pasok din sa napagkasunduan ang sabayang pagkilos laban sa mga sindikatong sumasabotahe sa ekonomiya ng mga bansang apektado ng malawakang smuggling ng mga sindikato sa likod ng mga ilegal na kontrabando.
Ayon kay Director Michael Fermin na tumatayong officer-in-charge ng Internal Administration Group (IAG), higit na angkop ang pagkakaisa sa hanay ng mga bansang kasapi ng ASEAN sa aspeto ng implementasyon ng mga pamantayan at makabagong ASEAN Customs Procedures para sa sabayang pagbangon ng kalakalang lubos na apektado sa nakalipas na tatlong taon.
Malaking bentahe rin aniya ang Customs-to-Customs and Customs-to-Business partnership para ganap na maisakatuparan ang target – malusog na kalakalan sa Asya.
Para naman kay ASEAN-CPTWG chairman Lim Teck Leong, Assistant Director General for Policy and Planning ng Singapore, binigyang-diin ang importansya ng maagap na pagtugon ng mga bansang kasapi ng ASEAN sa hamon ng makabagong panahon.
Sa panig ng Pilipinas, pinangunahan ni Mindanao International Container Terminal Collector Marietta Zamoranos ang delegasyon ng Pilipinas.
Kabilang naman sa mga dumalo sina Port Operations Service Acting Director Atty. Clarence Dizon ng Assessment and Operations Coordinating Group (AOCG); Prosecution and Litigation Division chief Atty. Julito Doria, at EAO-IAG chief Col. Wilnora Cawile.
(BOY ANACTA)
