BAGONG POSISYON, BAGONG PAGSUBOK

IMBESTIGAHAN NATIN Ni JOEL O. AMONGO

SA pagkakahirang kay Bienvenido Rubio bilang Commissioner, masusukat ang husay at tapang ng isa pang beterano sa larangan ng operasyon at pangangalap ng impormasyon sa mga bulilyasong sindikato, korapsyon at maging sa antas ng koleksyon.

Araw ng Biyernes ng nakalipas ng linggo nang pumutok ang pagsibak kay dating Bureau of Customs (BOC) Commissioner Yogi Filemon Ruiz, na tulad ni Rubio ay bihasa sa pagtugis sa mga kalaban ng estado.

Bagama’t walang inilabas na dahilan ang Palasyo, hindi naman lumikha ng intriga ang pagpasok ni Rubio kapalit ni Ruiz na hinirang sa “acting capacity” lang simula pa noong Agosto ng nakalipas na taon.

Tulad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., tubong Batac (Ilocos Norte) din si Rubio na kauna-unahang full-fledge Commissioner na itinalaga sa BOC.

Malawak ang kaalaman ni Rubio sa mga kaganapan sa loob ng kawanihan. Dangan naman kasi, 22 taon na pala siya sa naturang ahensya kung saan siya nagsimula bilang Special Agent lang. Sa madaling salita, kabisado na niya ang mga diskarteng pilipit, kuntsabahan at mga BOC official at personnel na ‘di pwedeng pagkatiwalaan.

Sa tagal niya sa BOC, naikot na niya ang mga sensitibong tanggapan ng kawanihan bilang special investigator (mula sa pagiging special agent), intelligence officer, officer-in-charge ng Intelligence Division Office ng MICP at Port of Manila hanggang sa italaga bilang Director III ng Port Operations Service (sa ilalim ng Assessment and Operations Coordination Group) ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi rin matatawaran ang kanyang ambag sa mga tagumpay ng kabi-kabilang operasyon kontra puslit-droga at agri-smuggling.
Higit pa sa pagtugis sa mga smuggler, si Rubio rin ang nagsulong sa implementasyon ng polisiyang nagbigay-daan para sa bagong mukha ng port utilization at monitoring sa storage, auction at disposal activities ng 17 district collection offices ng BOC.
Kabilang din si Rubio sa mga agresibong nagtulak sa kolektibong pagkilos ng Strategic Trade Management Office, Philippine Economic Zone Authority at Anti-Red Tape Autho­rity sa hangaring tiyakin ang sistematikong kalakalan – minus katiwalian.

Mahaba pa ang talaang pinagbatayan ng Pangulo kung bakit si Rubio ang kanyang napusuan. Pero ang bilin sa akin ng patnugutan (editorial board), huwag ko masyadong habaan kaya kitakits na lang ulit tayo sa ating susunod na huntahan!
Pahabol lang – kapansin-pansin na pagdating sa BOC, hindi nagtatalaga ang Pangulo ng mga taong walang alam sa proseso ng BOC. Kapwa “organic” sa BOC sina Ruiz at Rubio.

32

Related posts

Leave a Comment