BAGSAKAN NG KONTRABANDO

imbesigahan natin Ni JOEL O. AMONGO

HINDI na bago ang pamamayagpag ng Divisoria sa tuwing sasapit ang tinatawag na peak season tulad ng pagbubukas ng klase, piyesta at maging sa tuwing sasapit ang kapaskuhang mistulang pagkakataon para sa mga sindikatong hangad ay perahin ang mga ipinuslit na kalakal mula sa ibang bansa.

Ang totoo, ang Divisoria ang paboritong puntahan ng mga maliliit na negosyanteng hangad ay makamura sa kanilang kabuhayan. Bakit nga naman hindi? Hindi hamak na mas mababa ang presyo ng halos lahat ng kalakal sa Divisoria.

Lingid sa kaalaman ng marami, mura ang paninda sa Divisoria dahil ito rin ang bagsakan ng mga smuggled na kalakal na hindi dumaan sa angkop na pagsusuring tutukoy kung ligtas at hindi peke ang mga produktong ibinebenta sa merkado.

Nito lamang nakaraang taon, mas maaga kumpara sa mga nagdaang panahon ang pamamayagpag ng Divisoria. Dangan naman kasi, nagmahal ng husto ang mga gulay sa mga pamilihan. Pero iba sa Divisoria kung saan higit na mababa ang presyo ng pulang sibuyas, broccoli, carrots at iba pang sinabayan ng mga palsipikadong produktong akma naman sa taunang pagdiriwang tuwing sasapit ang buwan ng Disyembre.

Ang siste, nalagay naman sa peligro ang kalusugan ng marami sa mga smuggled na gulay na karamihan ay ipinuslit mula sa bansang Tsina. Sa madaling salita, mura nga pero ligtas ba?

Nang matapos ang kapaskuhan, nanatiling number one ang Divisoria, pero hindi na dahil sa murang gulay. Iba na ang dinarayong paninda – smuggled na sigaril­yong ipunuslit ng sindikato sa katimugang bahagi ng bansa.

Ang mga smuggled yosi, iba’t ibang klase pa – may mga galing sa bansang Tsina, Singapore at Malaysia.

Ayon sa ating impormante, isang Muslim ang nasa likod ng sindikato. Sa rami ng ipinuslit niyang sigarilyo, kinailangan niyang palawigin ang mga imperyo.

Hindi madali ang magbiyahe ng kanyang kalakal mula sa Mindanao patungo sa Maynila. Mabusisi ang prosesong hanap ay mga dokumentong patunay na bayad ang buwis ng kanyang itinatawid na produkto.

Ang siste, wala naman siya nito, pero “no problemo” sa tulong ng mga kakuntsabang taong gobyerno!

Ang tanong — magkano?

Related posts

Leave a Comment