BALIKBAYAN BOXES INIHABOL SA PASKO

ALINSUNOD sa direktiba ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, pinaspasan ng Manila International Container Port (MICP) ang pamamahagi ng mga nalalabing Balikbayan boxes na napiit bunsod ng kapalpakan ng mga international forwarding companies mula pa Abril ng kasalukuyang taon.

Sa isang kalatas ni Ruiz, binigyang-diin ang kahalagahan na makarating sa mga pamilya ng mga manggagawang Pilipinong patuloy na nakikipagsapalaran sa ibang bansa ang mga Balikbayan box na naglalaman ng mga padalang ginastusan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa hangaring bigyang saya ang pamilyang naiwan sa Pilipinas.

Sa datos ng MICP, sampung 20-footer containers na inabandona ng All Win Cargo LLC at Cargoflex Haulers Corporation ang ibiniyahe sa mga BOC Collection Districts sa Visayas at Mindanao para sa agarang distribusyon.

Kasabay nito, sinampahan na rin ng patong-patong na asunto sa Department of Justice (DOJ) ang siyam na cargo forwarding companies kaugnay ng kapalpakan sa mga Balikbayan box.

Kabilang sa kinasuhan ng Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS) ang All Win Cargo LLC, Island Kabayan Express Cargo LLC, Carlos Martin Guinto Co., GM Multi Services, Anhar Al Mawaleh Trading, CMG Int’l Movers and Cargo Services, Cargoflex Haulers Corp., FBV Forwarders and Logistics, Inc. at Etmar Int’l Logistics, na ayon sa BOC ay responsable sa 7,000 Balikbayan boxes na natengga lang sa pasilidad ng kawanihan mula pa Abril ng kasaluku­yang taon.

Panawagan pa ng BOC chief sa iba pang kinuhanan ng pera ng mga naturang kumpanya, makipag-ugna­yan sa kawanihan kaugnay ng kanilang naiipit na Balikbayan boxes, kasabay ng pakiusap sa mga OFW na maging mapanuri sa pagpili ng forwarding companies na gagamitin sa pagpapadala ng Balikbayan boxes.
(JOSE OPERARIO)

33

Related posts

Leave a Comment