BOC AT ADB SANIB-PWERSA NA, KALAKALAN PAIGTINGIN

SA hangaring tiyakin ang pagpapalawak ng ugnayang pangkabuhayan kasama ang mga karatig bansa sa Asya, ganap nang nagsanib-pwersa ang Bureau of Customs (BOC) at Asian Development Bank (ADB) sa sabayang pagkilos para ‘ilako’ ang Mindanao bilang sentro ng kalakalan.

Sa ginanap na pagtitipon para sa Brunei Darussalam-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA) Economic Corridors Study, ibinida ng BOC Collection District XII (Port of Parang) ang bentahe ng nasasakupang rehiyon at maging ang potensyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Kasama rin sa talakayan ang Mindanao Development Authority (MinDA) sa talakayang inorganisa ng ADB sa pagnanais na kumalap ng mungkahi at kuro-kuro mula sa hanay ng mga negosyante, magsasaka, ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan sa pagbalangkas ng panuntunan pangkalakalan sa katimugan ng bansa.

Kabilang sa mga inilatag ang pinakahuling kaganapan sa mga pag-unlad sa mga BIMP-EAGA economic corridors kabilang ang West Borneo Economic Corridor (WBEC), Greater Sulu Sulawesi Economic Corridor (GSSC) at East Borneo Economic Corridor (EBEC).

Sa bukod na pahayag, tiniyak ng pamunuan ng BOC Collection District XII ang patuloy na pagsusulong ng import-export sa pagnanais na makahikayat pa ng mas maraming negosyante, alinsunod sa prayoridad na inilatag ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio.

“We recognize the importance of the BIMP-EAGA Economic Corridors Study in identifying opportunities and addressing challenges in cross-border trade, tourism, and investment,” ani Rubio.
“The BOC fully supports this initiative and will work closely with the government agencies and stakeholders to implement practical and effective policies, programs, and projects that will promote economic growth and development in the region,” dagdag pa ng BOC chief.     (JO CALIM)

311

Related posts

Leave a Comment