BOC DOBLE-KAYOD NA VS. AGRI-SMUGGLERS

MATAPOS ang lumabas ang anunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) hinggil sa P42.8-bil­yong pondong inilaan para palakasin ang produksyon ng lokal na sektor ng agrikultura, inatasan ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang 17 district collectors na paigtingin ang pagtugis laban sa mga smugglers.

Sa kalatas ng Bureau of Customs (BOC), ibinida ni Rubio ang pinaigting na kampanya ng ahensya laban sa malawakang agri-smuggling sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula nang italaga sa pwesto ni Pa­ngulong Ferdinand Marcos, Jr., noong nakaraang Pebrero.

Bukod aniya sa mga nasamsam na kontrabando, kabi-kabilang kaso rin diumano ang inihain sa Department of Justice (DOJ) ng kawanihan laban sa mga pinaniniwalaang smugglers.
Mayroon na rin aniyang limang warrants of seizure and detention ang pinirmahan niya kaugnay ng mga nasabat ng produktong agrikultura – kabilang ang 30,000 sako ng asukal (katumbas ng P150 milyon), na nadiskubre sa 58 containers sa Subic Bay New Container Terminal noong Marso 2.

“We strongly condemn those unethical acts of fraudulent importers as they endanger the health and safety of local consumers and negatively impact the livelihood of local farmers and businesses,” ani Rubio.

“As we heighten our intelligence and enforcement measures to thwart smuggling attempts of unscrupulous importers, we also ensure that those found guilty face the maximum lawful consequences they deserve,” dagdag pa ng BOC chief.

Sa Subic pa rin, nasa P40 milyong halaga ng botchang pusit na laman ng dalawang dambuhalang containers ang nahagip ng BOC, bukod pa sa sandamakmak na sibuyas na nasabat sa 18 containers na idineklarang pizza dough at fishballs.

Samantala, nilinaw ng DBM na ang P42.8 bilyong pondo na inilabas ng kagawaran ay nakalaan para tiyakin ang sapat at abot-kayang pagkain mula sa produksyon ng lokal na sektor ng agrikultura.

Sa naturang pondo, P30.3 bilyong ang nakalaan sa National Rice Program.
(JO CALIM)

193

Related posts

Leave a Comment