TINUTUNTON na ng Bureau of Customs (BOC) ang umano’y Chinese mafia sa likod ng pagpupuslit ng bigas sa Pilipinas.
Sa impormasyong ibinahagi ni BOC Director Vernie Enciso, sa kanilang inisyal na impormasyon, ang mga sangkot sa rice smuggling ay nasa sektor ng financing, distribution at iba pa.
Pag-amin naman ni BOC chief of staff Atty. Marlon Agaceta, mahirap matukoy ang pinagmulan ng smuggled rice at kung sino ang nasa likod nito.
Gayunman, patuloy sa pangangalap ng impormasyon ang kagawaran upang matukoy ang mga nagsasabwatan sa pagpupuslit ng bigas sa bansa.
Kaugnay nito, patuloy ang BOC sa paggalugad sa mga bodega upang matunton ang mga smuggled na bigas.
Sa kanilang mga operasyon mula Agosto hanggang sa kasalukuyan ay nakakumpiska na sila ng 236,571 sako ng smuggled rice mula sa apat na warehouse sa Bulacan, 36,000 sako naman mula sa Tondo, Manila at 20,000 sako mula sa Las Piñas at Bacoor, Cavite.
Umabot na rin sa 53 kaso ang naihain ng kagawaran kabilang ang 416 importers at forfeited agricultural products na nagkakahalaga ng mahigit P612 milyon.
280