CLAIMANT SILAT SA P17.25M SHABU

boc droga

ARESTADO sa pinagsanib na controlled delivery ope­ration kontra-droga ang isang claimant sa aktong pagtanggap ng bagaheng naglalaman ng P17.25-mil­yong halaga ng shabu, sa Pasay City.

Sa kalatas ng Bureau of Customs (BOC), timbog sa pinag-isang operasyon ng mga operatiba mula sa BOC-Clark, Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), Enforcement and Security Service (ESS), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), X-Ray Inspection Project (XIP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang hindi pinangalanang claimant nito lamang nakalipas na linggo.

Sa datos ng kawanihan, idineklarang mga tsokolate, kape at kendi ang laman ng bagaheng duma­ting sa Port of Clark noong ika-5 ng Hulyo mula pa sa Rockville, Maryland sa Estados Unidos.

Lumalabas na unang nadiskubre ang laman ng naturang bagahe matapos isailalim sa makabagong x-ray scanners ang selyadong kontrabando.

Upang tiyakin ang laman ng naturang bagahe, mina­buting buksan at isailalim sa 100% physical examination ang pakay na kargamento. Dito na tumambad ang drogang agad namang inuri ng PDEA. Ang resulta – positibong methamphe­tamine hydrochloride.

Nahaharap sa kasong paglabag ng Republic Act 9165 ang hindi pinangalanang claimant. (JO CALIM)

56

Related posts

Leave a Comment