CONSIGNEE DAKIP SA P16.8M DROGA

TIMBOG sa isang operasyon kontra drug smuggling ang isang consignee kaugnay ng P16.8-milyong halaga ng drogang ikinubli sa balikbayan box na inilipad pa mula sa bansang Estados Unidos.
Sa kalatas ng Bureau of Customs (BOC), unang nabisto ang nasa 12 kilong ‘kush’ na isinama sa mga dapat sana’y pasalubong na karaniwang laman ng mga balikbayan box na nakalagak sa People’s Air Cargo (Paircargo) sa Lungsod ng Pasay.

Batay sa rekord ng kawanihan, idineklarang ‘personal effects’ ang kargamentong lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula pa sa State of California, sa Estados Unidos.
Matapos mabisto ang nakatagong droga gamit ang mga modernong X-ray scanners at trace detectors, agad na sinuri ang kontrabando. Ang resulta – positibong ‘kush’.

Dito na nagpasya ang binuong composite team mula sa hanay ng BOC, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, na tumungo sa nakatalang address ng consignee sa Lungsod ng Antipolo.

Tumanggi naman ang mga operatiba na tukuyin ang pagkakakilanlan ng arestadong suspek, habang patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon sa hangaring matukoy pa ang ibang sangkot sa naturang bulilyaso.

Kasalukuyang nakapiit ang consignee sa PDEA Custodial Facility kaugnay ng isinampang kaso ng paglabag ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).

Samantala, hagip din sa kinasang controlled delivery operation ng Makati City ang isa pang consignee ng bagaheng kargado ng 255 gramo ng shabu na nabisto sa pagsusuring karaniwang ginagawa sa mga pumapasok na kargamento sa bansa.

36

Related posts

Leave a Comment