DAGDAG X-RAY SCANNERS VS. SMUGGLERS

SA hangaring mas paigtingin pa ang pagbabantay sa mga pumapasok at lumalabas na bagahe at kargamento, nagtalaga ng mas maraming X-ray scanners ang Bureau of Customs (BOC) sa mga pinangangasiwaang pantalan at tanggapan ng kawanihan sa iba’t ibang paliparan.

Sa kalatas ng BOC X-Ray Inspection Project, kabilang sa mga pinostehan ng makabagong X-ray scanners ang Boracay International Airport kung saan lumalapag ang mga turistang layong masilayan ang natatanging white-sand beach sa bayan ng Malay, lalawigan ng Aklan.

Dagdag Nuctech mobile container X-ray scanner naman ang ipinadala sa Port of Cebu, at isa pa ang nakatakdang dalhin sa Port of Cagayan de Oro.

“These machines have the high-performance scanning capability of the mobile container X-ray scanners allowing faster scanning through its pass-through mode feature, assuring precise inspection of all containerized cargoes,” ayon sa pahayag ng BOC.

Dagdag pa ng kawanihan, ang tatlong bagong x-ray scanners ay mayroon din kakayahan para maiwasan ang abala gamit ang metikulosong pagsusuri ng mga bitbit na bagahe.

Kasabay ng pamamahagi ng mga makabagong x-ray scanners, nagsasagawa na rin ang BOC ng angkop na pagsasanay ng mga kawani sa tamang paraan ng paggamit ng mga naturang kagamitan.
Samantala, umaasa naman si Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na tuluyan nang matutuldukan ang mga puslit kontrabando sa tulong ng mga repormang kalakip ng modernisasyon ng BOC.

22

Related posts

Leave a Comment