I-DECLARE SYSTEM, INILUNSAD NG BOC

OPISYAL nang inilunsad ng Bureau of Customs (BOC) ang i-Declare System na nag­bibigay-daan para sa pinadaling prosesong kalakip ng makabagong teknolohiya para sa deklarasyon ng mga bagahe at salaping pumapasok at lumalabas ng bansa.

Sa ilalim ng makabagong Electronic Customs Baggage and Currency Declaration System, binibigyang pagkaka­taon ang paalis at parating na biyahero na makapagsumite ng deklarasyon hinggil sa kanilang bitbit na bagahe at salaping dala bago lumapag, lumisan o habang nasa byahe patungo sa kanilang destina­syon.

Kabilang naman sa mga ahensya ng pamahalaan sa likod ng naturang reglamento ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Anti-Money Laundering Council (AMLC), BOC-Enforcement Group at Management Information System and Technology Group ng naturang kawanihan.

Sakali naman anilang mawaglit sa isip ng isang abalang indibidwal ang pag­dedeklara ng kanilang dalang bagahe at salapi, pwede pa rin naman anilang gumamit ng ang eCBCD Form sa mga itinalagang i-Declare Kiosks na matatagpuan sa Customs Area at sa iba’t ibang Pali­paran kabilang ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

“Automating the decades-old manual filing is another effort to modernize the Bureau, with the intention of integrating it with other government agencies for a more encompassing approach in providing the public with one-stop shop service for all the governments’ clearance requirements,” ayon sa Customs Memorandum Order (CMO) 11-2022 (Implementation of the Electronic Customs Baggage and Currency Declaration (eCBCD) System) na nagtatakda ng panuntunan sa customs clearance process para sa lahat ng biyahero at crew members gamit ang sistemang batay na rin sa Customs Administrative Order (CAO) 1-2017 (Customs Clearance of Accompanied and Unaccompanied Baggage of Travelers and Crew).

Kabilang naman sa mga nagpahayag ng suporta sa naturang makabagong panuntunan sina Finance Undersecretary Antonette Tionko, Foreign Affairs Assistant Secretary Gina Jamoralin Atty. Allan Julius Azcueta ng AMLC, at BSP Director Jodeth Nina Yeung. (BOY ANACTA)

80

Related posts

Leave a Comment