ALINSUNOD sa direktiba ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, ganap nang inihatid sa mga tahanan ng mga kaanak sa Cebu Central Luzon ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) ang nasa 254 Balikbayan boxes na natengga sa Maynila mula pa buwan ng Abril ng nakalipas na taon.
Sa Cebu, umabot sa 185 Balikbayan boxes na lulan ng dalawang 20-footer container vans ang ganap nang inihatid sa Lapu-Lapu City, Cordova, Dumaguete City at Bohol, ayon mismo kay BOC-Port of Cebu acting deputy collector for operations Mario David Luminarias Jr.
Aniya, karamihan ng mga inihatid na Balikbayan boxes ay nagmula pa sa Dubai.
Paglilinaw ni Luminarias, libre ang kanilang paghahatid ng mga nabalam na padala ng mga OFWs sa kanilang mga kaanak na nakatira sa mga lalawigang sakop ng kanilang distrito.
“The Bureau of Customs doesn’t collect any fee at all. I think it’s the instruction of President Ferdinand Marcos Jr. to deliver it free of charge, including the duties and taxes if there are taxable items. Our thoughts are for the OFWs who want their families to be happy,” Luminarias pagtatapos ni Luminarias.
Sa Central Luzon, nai-deliver na rin ng BOC – Port of Clark (BOC-Clark) ang nalalabing 69 Balikbayan boxes sa mga lalawigan ng Pampanga, Bulacan, Tarlac, Nueva, Ecija, at Aurora.
Nasa 84 balikbayan boxes mula sa mga bansang Abu Dhabi, Dubai at United Arab Emirates (UAE) na dumating naman noong bisperas ng Pasko ang inihatid ng Port of Zamboanga sa Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Sur, at Zamboanga del Norte.
Umabot naman sa 70 Balikbayan boxes ang dinala na rin sa mga claimants na nakabase naman sa Lungsod ng Tacloban, habang 99 naman naman ang ipinamahagi sa mga consignees na mula sa Cagayan de Oro, Misamis Oriental, Bukidnon, Lanao del Norte, Davao at Zamboanga del Sur.
Buwan ng Oktubre nang atasan ni Ruiz ang iba’t ibang departamento at 17 district collectors ng kawanihan na paspasan ang pamamahagi ng mga Balikbayan boxes na inabandona ng mga cargo forwarding companies sa pasilidad ng BOC sa Maynila – dahilang nagtulak kay Ruiz na sampahan ng kaso ang siyam na kumpanya, kabilang ang tatlong nakabase sa gitnang-silangan ng Asya.
(BOY ANACTA)
